Papeles ng 2017 budget, kulang – DBM

Nadiskubre ng Department of Budget and Management-Cordillera (DBM-CAR) sa kanilang inisyal na pagsusuri ang kakulangan ng ilang supporting documents para sa P1.776 billion 2017 budget ng pamahalaang lungsod.
Sa sulat ni DBM-CAR regional director Liza B. Fangsilat kay Mayor Mauricio G. Domogan noong Marso 21, 2017, inilahad niya na ang may kulang na mga dokumento ay ang Local Disaster Risk Reduction Management Plan, Local Climate Change Action Plan, at ang DILG-approved Gender and Development plan and budget.
Sinabi pa ni Fangsilat na upang mapadali ang kahilingan ng pamahalaang lungsod para sa pagsusuri ng 2017 annual budget, dapat agarang bigyan ang DMB-CAR office ng mga kinakailangang dokumento.
“We will continue reviewing the subject annual budget while awaiting your submission of the lacking supporting documents as earlier stated,” diin ni Fangsilat.
Nauna nito, ang pamahalaang lungsod ay nagsumite sa DBM-CAR ng kinakailangang dokumento kalakip ng taunang budget tulad ng transmittal letter na pirmado ng Sanggunian secretary; appropriation ordinance na pirmado ng presiding officer, Sanggunian secretary, at ng mayor; budget sa panggastos at pagkukunan ng panggastos na pirmado ng local finance committee at ng mayor; annual investment program na pirmado naman ng mayor, planning officer at budget officer; Sanggunian resolution na pumapayag sa annual investment plan na pirmado ng Sanggunian secretary at ng presiding officer; personnel schedule na inihanda ng human resource management office at pirmado ng mayor; veto message, kung mayroon, na pirmado ng mayor at aksyon ng Sanggunian sa veto, kung mayroon, na pirmado ng Sanggunian secretary at ng presiding officer.
Nabanggit ni Fangsilat na ang basehan ay ang item 2.2.10 ng Local Budget Memorandum No. 74 dated June 15, 2016, nakalagay na kasama ang taunang budget, ang local government unit ay kinakailangang maghanda at isumite ang kaukulang Local Disaster Risk Reduction and Management Plans, Local Climate Change Action Plans at DILG-approved Gender and Development Plan at budget.
Kasunod na inilabas ni Mayor Mauricio G. Domogan ang Memorandum No. 078-2010 kung saan inuutusan sina City Budget Officer Leticia O. Clemente at City Environment and Parks Management Officer Cordelia C. Lacsamana na sikaping makumpleto ang mga kinakailangang plano at pwedeng isumite sa DBM-CAR sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang pagkaantala ng pagsusuri sa 2017 annual budget ng lungsod.
Sa ilalim ng probisyon ng Local Government Code, ang pamahalaang lokal ay naatasang magsumite sa DBM-CAR ng aprobadong annual budget para sa ipinag-uutos na pagsusuri alinsunod sa mga umiiral na mga batas, patakaran at regulasyon. PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon