PASKO NA NAMAN… PERO…?

llang araw na lang, Pasko na naman. Sa inyong palagay…anong klaseng Pasko ito? Ayon kasi sa mga survey, maraming Pinoy ang naghihirap pa rin. Maraming Pinoy ang walang trabaho. So ibig sabihin na baka marami sa atin ang hindi dama ang diwa ng Pasko. Sabagay, may mga sekta o kababayan natin ang hindi nagdiriwang ng Pasko ng ayon sa tradisyunal na pagdiriwang. Kaliskisan natin ito: Ala-ala pa natin ang tradisyunal na pagdiriwang ng Pasko. Caroling. Na habang may nagngangaroling, may sumisilong din ng bahay at naghuhuli ng manok.

Ang mga batang nagkacaroling. Nakakatuwa at nakakatawang panoorin dahil halos di mo
maintidihan ang lyrics at tono ng kanta. Simbang-gabi. Na may mga magsing-irog na nananamatala ng pagkakataon. Puto-bumbong. Kung wala kang pambili dahil naglakad ka lang
papuntang simbahan, maglalaway ka sa sarap ng amoy. Panahon ng Pasko na kailangang pumunta ka sa mga ninong at ninang para magmano. Swerte mo kung may nakalaang regalo para sa iyo. Malas mo naman kung naghide and seek kayo. Butata. Na karamihan sa mga bahay ay may parol na kadalasan ay gawa sa Japanese paper.

Palakihan. Pagandahan. Contest baga. Ang kalayaan na mamasyal, mga reunion, mga kakanin,
suman, at iba pang mga pagkain na mahahain lang sa Kapaskuhan. Masayang alaala na unti-unting naglalaho dahil sa bilis ng pagbabago ng panahon. Unti-Unting namamanhid dahil sa teknologiya. Ang Pasko noon ay madamdamin. Dahil ang Pasko ay pagdiriwang sa kapanganakan ng Dakilang
Manunubos. Sa panahon ng Kapaskuhan, binubuhay at muling pinapaalala ang tunay na diwa ng Pasko: ang kahalagahan ng pananampalataya sa Diyos at pagiging makatao.

Sa Paskong darating, inaantabayanan ang pinakakontrobersiyang plano ng pagbibigay ng mga regalo sa mga sundalo na nakatira sa mismong BRP Siera Madre sa West Phil. Sea. Kung matutuloy ang plano ngayong taon, eto na ang kaunaunahang magaganap sa kasaysayan ng Pasko sa ating
bansa. Perstaym kunamman. Ayon sa ulat ng National Defense, may basbas na sila sa isang pribadong grupo na binubuo ng halos apatnapung barko ang magdadala ng regalo sa BRP Siera Madre para sa mga sundalong nagbabantay roon.

Maryusep! Di ba delikado? Kung yong isang barko lang na magdadala ng rasyon sa Siera Madre ay hinaharang ng mga Tsino at binobomba pa ng tubig….ano kaya ang mangyayari kung maraming
barko na ang sabay-sabay ng pupunta sa BRP Siera Madre? Sila kaya ay sasalubungin o haharangin ng Tsina? Papano? Bakit? Sa huling ulat, kinakailangan daw na may basbas din ang Phil. Coast Guard sa planong ito. Siyempre, baka may escort pa silang barko ng PCG. Malaking kaganapan ito
para sa Diwa ng Pasko. Abangan natin kung matutuloy.

Ang Diwa ng Pasko ay wala sa garbo. Wala sa dami ng palamuti. Wala sa dami ng regalo. Di nasusukat sa dami ng pera. Hindi nang-aalipusta sa walang pera. Hindi nanglalait sa mga nahihihirap. Ang Pasko ay para sa lahat. Mayaman, mahirap, naghihirap, walang trabaho, walang makain, at kahit ano pa ang kalagayan mo sa lipunan. Sapagka’t ang Pasko ay hindi material na bagay, kundi PANANAMPALATAYA SA MAYKAPAL AT PAGMAMAHAL SA KAPWA. KAPATAWARAN AT PAGMAMALASAKIT. HABANG IKAW AY NANANALIG SA MANUNUBOS AT BUKAL SA PUSO ANG KABAITAN, walang inggit o pag-iimbot, maligaya ang Pasko mo. Adios
mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon