PASKO SA BAGUIO

MASAYANG NAILUNSAD ang mga kaganapang naihanda ng mga nangangasiwa ng Ang Enchanting Baguio
Christmas (AEBC) 2024, ang taunang selebrasyon na pinangunguluhan ng Baguio Tourism Council. Ang Rose Garden ay nagmistulang paraiso ng saya at galak, at ngayong Disyembre nga ay magiging pangunahing magneto ng mga bumibisitang mga turista na naakit na dalawin ang lungsod. Tulad ng mga nakaraang taon, lubhang kamangha-mangha ang mga preparasyong matagumpay na naiayos.

Ito ay patunay lamang na walang iniiwan ang BTC sa pagbibigay kaayusan sa mga inihahandang mga lugar upang
maging kaaya-aya ang ilang mga araw na gugugulin ng mga bisita sa panahon ng Kapaskuhan. Talaga namang basta merong hinawakang programa ang BTC, laging nakatuon hanggang sa kahuli-hulihang detalya si Gladys Vergara, ang punong abala ng organisasyon na ilang mga 12 sektor ang kasapi. Napakaayos ng Rose Garden. Naging atraksyon ang Christmas Market Village, na ang tema ay ipadama ang mga nag-gagandahang mga orihinal na European trading centers sa panahon ng Kapaskuhan.

Kaya naman, mismong ang Ambassador ng Amerika na nataong nasa lungsod ay naengganyong bisitahin ang lugar. Hindi magkamayaw sa tuwa ang mga turistang nagkataong nagtipon-tipon upang lasapin ang paglulunsad ng Pasko sa Baguio. Si Mayor Benjie naman, buong saya habang personal na inililibot ang butihing Ambassador sa lugar Kinagabihan, Christmas colors ang pinasinayaan. Ang dancing fountain ay nagpasiklab ng sari-saring kulay ng Pasko. Hindi napigilan ang hiyaw ng madla na biglang dumagsa sa Rose Garden.

Bilang balik-tanaw, dapat lamang na banggitin na magmula pa ng 2019, sa pagsisimula ng panguluhan ni Gladys, ay taunan ng laging inilulunsad ang AEBC, na siyang pangunahing kontribution ng BTC sa panahon ng Kapaskuhan.
Malaking halaga na ang Tourism Council ang siyang binigyan ng tungkulin upang ang Kapaskuhan ay
pamahalaan ng BTC. Di nga kasi , ang turismo ay isang malaking bahagi ang kontribusyon upang kilalanin ang Baguio na pangunahing tourist destination sa buong bansa.

Isang pagpupugay ang ating ibigay, mula sa puso, sa inisyatibong pinaghandaan taun-taon, para lamang tayong taga Baguio ay makapagdiwang at maipamalas ang kakayahang tunay na kakaiba ang selebrasyon ng Pasko. Sa taong ito, lalo pang naging pagkakataon na maihayag ang sama-samang pagsasabalikat ng mga programang inaasahan, upang
biogyang-daan ang panahong tayo ay magpamalas ng kakaibang kakayahang katangi-tangi sa Baguio. Tunay na dapat lamang na ipagsaya ang mga araw at linggo ngayong wala tayong inaasahang hagupit ng mga bagyong sunod-sunod na nagdaan na tila prosisyon ang kahalintulad.

Pagkatapos na ang Baguio ay bisitahin ng sunod-sunod na bagyo – bagay na hindi dapat ikagulat – ay panahon naman na ating ipagpasalamat na kahit na ilang mga araw lamang, tayo ay may pagkakataon na iwaksi ang siphayo dulot ng sama at sungit ng panahon. Sana naman, bigyan natin ng pag-galang ang Kapaskuhan na maging sagradong panahon ang pagpapatawad, pag-ibayo ng pagmamahalan, at pagpapalakas ng kapatiran. Kung ang lilipas na taon ay
naging mapangahas dulot ng hindi pagkakaunawaan, gamitin natin ang Pasko upang maipaalala ang tunay na diwa
ng karanasang nangyari higit 2,000 years ago sa Bethlehem.

Bilang respeto, ating iwaksi sa ganitong mga panahon ang tila walang pakundangang ibandera sa mga mamamayan ang larong pulitika. Matatandaang ilang buwan na ring iisang apelyido ang bumabandera upang hayagang ilahad ang hangaring maka-sarili. Isantabi na muna ang kaugaliang iyan. Hayaan naman natin na ngayong Pasko, ang pagibayuhin ay mga kaugaliang pamPasko. Isantabi na muna ang pagsisidhi na gawing pulitika ang Kapaskuhan. Ibandera ang kaugaliang kinalakihan – ang pagbibigayan, ang pagpapatawad, ang pagpapalakas ng pagkakaisa
tungo sa malawakang selebrasyon na tanging sa Baguio lamang mararanasan.

Muli at muli nating alalahanin na ang buhay Pinoy ay isang umiinog na turumpo, anumang uri ng trahedya o
komedya ang dadaan sa kanyang buhay. Kung ngayon ay kanyang kinakaya ang pagbangon, kaya rin niyang maisulong ang tradisyon ng pantay-pantay na pagtingin sa pag-inog at pag-agos ng buhay. Babangon at aahon tayo sa kinasasadlakan. Kaya natin iyan, kaya nating pigilan ang pagbalahura sa mga tradisyong ating kinagisnan at kinalakihan. Kaya nating pigilan ang lantarang pagyurak sa kulturang naging buhay na simbolo ng pagiging malaya,
maging pantay-pantay, maging maka-demokratiko. Isang mapagpalang selebrasyon ng Pasko sa Baguio!

Amianan Balita Ngayon