Pasko sa Pandemya… Ano Kaya?

Daplis Walang Mintis

Ilang araw na lang…Pasko na. Ang tanong – anong templadang Pasko? Mapait…? Masakit..? Baka paskong walang lasa…? In short…walang kuwenta? Tsk..tsk…nakakapanghinayang na kapanganakan ni Hesus para sa mga nakakarami at dama ang dulot ng pandemyang-Covid.

Pero para sa mga pusong bato na walang damdamin….baka balewala ang pandemya at tuloy lang ang kanilang ligaya nitong Kapaskuhan. Sabagay, may kanya-kanya tayong pananaw sa araw na nasilang sa sabsaban ang batang sumagip sa ating mga sala nang mapako sa krus. Ito ang ating kakaliskisan nang kahit kapiraso man lang bago mawala sa ating diwa ang katuturan ng araw nang banal na eksena ng pagsilang:

Sa kasalukuyang panahon at sa garbo ng pagsalubong ng sangkatauhan sa Kapaskuhan, wari natin ay limot na ng mundo ang masalimuot na daluyong na humagupit sa buhay ng magasawang
Maria at Jose. Para bagang limot na ang kanilang payak na pinagmulan na humantong sa luha at awa sa harap ng naghihirap nilang anak na nakapako noon sa krus. Parang sa pag-inog ng panahon…nawawala na ang katuturan ng tunay na pinagmulan ng Pasko sa sanlibutan. Iisa ang dahilan: pag-usad ng siyensiya at eknolohiya upang pansamantalang itimon ng pag-inog ng mundo at buhay ng tao at pansamantalang nalulusaw ang katotohanang ang lahat at nililok ng Panginoon para sa atin.

Sa madaling salita: dahil sa tinatamasang alwan sa buhay, nalilimot ang Kamay na nagbigay-daan sa mga dunong at rangya sa ngayon. Na ang ibig ipahiwatig…dahil sa mga pagmamalabis, nagbubunga ito ng malaking pagkukulang at kawalan ng utang na loob sa p i n a g k a k a u t a n g a n g mapagpalang palad ng Panginoon. Tanong: ito kaya ang tunay na dahilan kung bakit nagkakaroon ng tapik kundi man hagupit sa mundo at dumating ang pandemyang Covid? Ibig kayang sabihin na tayo rin ang may sala at tayo rin ang siyang gumawa ng ating sariling parusa?

Matalinghaga at malalim ang iniuukit na aral sa ating buhay….bagay na dapat nating tanggapin dahil tayo rin ang nagtanim na ating inaani ngayon. Sa likud ng maraming buhay na nawala dahil kay Covid-19….hindi pa huli upang balikatin ang pagsubok at labanan ang kaway ng kamatayan. Maraming inilatag na tuntunin. Dapat nating sundin bago mahuli ang lahat. Sa Paskong ito, salasalabat ang mga tuntunin hinggil sa mga di dapat maganap.

Bawal diumano sa mga kabataan at matatanda ang lumabas ng bahay (kung di kinakailangan). Bawal mamasyal sa mga malls (sa NCR) ang mga menor de edad. Bakit? Madali daw silang makakuha ng virus ni Covid-19 at suma-total, maaring pagmulan ng mas mabilis na pagkalat nito sa kanilang pamahayan. Kabataan man o hindi, parehas lang ang transmisyon kapag tinamaan ka ng virus ng Covid-19, di ba?

Kaya tuloy, samut-sari ang mga kautusan ng ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan. Sabi ng isa – talagang mahigpit na ipinagbabawal. Tapik ng iba – depende raw sa lokal na pamahalaan (LGU). Alin ba ang dapat sundin? Ang utosnasyonal o sa lokal? Di ba, may kalabuan? Sing-labo ng ating pagkaintindi sa tunay na Diwa ng Pasko. Tingnan na lang natin ang mundo. Sa tuwing sasapit ang Pasko, pagarbuhan ang handa. Pasikatan pa nga. Sa palamuti pa lamang, masisilaw na ang mga bituin sa kinang. Pero ang sabi ng mga nakakaintindi, ang unang pasko ay napakasimple.

Doon sa sabsaban sa payak na dayamihan na kainan ng hayup, tahimik pero masayang namayagpag ang pagsilang ni Hesus. Walang palamuti, walang musika, walang –wala pero siya ay pinuntahan pa ng tatlong Mago (Hari) upang magpugay at magbigay galang at regalo. Ito kaya ay hindi na natin mauulit na eksena sa gitna ng pandemya? Yaong salubungin natin ang Kapaskuhan nang kahit simple lang ngunit punong-puno ng pagmamahalan at pagmamalasakitan sa gitna ng pandemya.

Kaya ba natin ito sa likud ng ating nakagisnang tradisyon na lisya sa tamang asal base sa aral ng pagsilang ? Adios mi amor ciao, mabalos.