PASKO, TAPOS NA… MAY PAGBABAGO BA?

Ilang araw na lang…2025 na. Goodbye na kay 2024. May nagbago ba sa ating buhay? Alamin baka meron pa kayong
maisasabit sa ating talakayan: Ang diwa ba ng Pasko inyong naramdaman? Bukod sa mga himig pamasko…meron ba
kayong naitalang bago at ano naman ang mga naiwang luma? Sabagay, namnamin natin ang magandang potahe mula naman sa nilutong pagsisikap ng kapulisan para sa ating sosyodad. Pangkalahatang mapayapa, tahimik at maayos naman daw ang buod ng nakalipas na Pasko, ayon sa PNP.

Di gaya sa ibang bansa kung saan patuloy ang hidwaan. Kung dito sa bansa…pumasok na ang tag-ulan lalo na sa ka-Bisayahan at Mindanao . Uso ulit ang ayudahan sa mga nabiktima ng baha lalo na sa maraming lugal sa Kabisayaan ganun din sa Mindanao. Gaya ng dati, sumasabay sa ganitong mga situasyon ang mga paala-ala sa pag-iingat at pagiging laging alerto at handa sa mga sakuna. Saludo tayo sa ating mga kababayan na lagi namang handang umalalay sa mga biktima mng kalamidad. Ang masaklap lamang…kung kailan tayo dapat magsaya dahil Pasko nga…humihirit naman ang mga ganitong pagsubok sa ating katatagan.

Habang sinusulat ang espasyong ito, ayon sa DOH…may naitala na silang 43 na biktima ng paputok . Tsk tsk…kinakabahan tayo na baka darami pa ito pagsapit ng bagong taon. Pero ang tanong : sa nagdaang Pasko ba ay may nakita kayong pagbabago sa ating buhay? Mas marami ang sang-ayon sa katagang: “wala lang…parehas din”. Talagang gasgas na ang mga katagang yan. Kasi nga naman, marami pa rin ang nakararanas ng kahirapan sa likud ng kanilang pagsisikhay. Kaya iisa lang ang konklusyon natin: ito na ang itinakdang guhit ng ating kapalaran… tanggapin na lang nang maluwag sa kalooban.

Kung puro tayo reklamo at kulang naman tayo sa sikap at sikhay at paasa pa rin tayo sa ayuda…talagang walang
mababago sa ating buhay. Pero sa kabila ng mga kalamidad nitong Christmas season…may mga kaganapang nabago naman. Gaya sa pulitika. Nagpapatuloy ang mga ginagawang pag-iimbestiga para daw makagawa ng mga bagong batas o maamyendahan ang mga dati at nilumot ng mga batas. Pero sabi ng ilang analyst: binabago nga ang pangalan at kalakaran sa mga batas pero sa implementasyon ang problema.

Sa tatlong impeachment complaints laban kay VP Sara Duterte…handa raw ang bise presidente na harapin ito dahil
gaya ng kanyang paulit-ulit na sinasabi: wala daw siyang nilabag na batas. No comment na kami riyan kasi saksi naman ang bayan sa mga nangyayari. Ang nakasisindak…mismong si dating Presidente Rodrigo Duterte ang magiging abogado ni Sara. O, wala bang nalaglag na kilay diyan? Sabi nila, maari namang ganyan ang eksena
dahil abogado naman ang dating pangulo.

Kesyo, ayon sa mga “sutil o palabiro”…kailan pa kaya matatapos ang Quad-Comm at mga korte sa proseso ng mga impeachment hearings sa “bagal” bumitaw ng salita ni Ex-Pres.Digong? Para ka raw nakangangang naghihintay na
malaglag ang butiki na nakakapit sa kisame sa bawat katagang malaglag sa dila ng dating Pangulo. Wala kaming
masasabi kundi subaybayan na lang natin ang mga susunod na kabanata. Sa kabilang dako, lakip ng aming pagbati ng Kapaskuhan ang aming dalangin na sana ay magiging mapayapa at walang mga trahedya sa ating pagsalubong ng Bagong Taon.

Gasgas man ang mga kataga: Bagong taon, bagong buhay….sandal pa rin tayo dito mga pards baka sakali
ngang magkatotoo. Di baleng hindi raw matupad ang pangarap basta’t may pag-asang gaganda at mababago rin
ang ating buhay. Tatag , sikap at sakripisyo ang magiging kalasag natin sa hinaharap. Happy new year! Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon