Namataan ang Chinese dredger “HONG FA 158” sa bayan ng Bucao, Zambales habang nagsasagawa ng public consultation ang mga kagawad ng Kongreso sa mga mamamayan sa Masinloc, Zambales nitong Huwebes at Biyernes ukol sa mga isyu sa West Philippine Sea (WPS). Liwanagin natin na ang “HONG FA 158”, ay pinatatakbo diumano ng China Harbour Engineering Company (CHEC), na nagsasagawa ng reclamation sa Manila Bay.
Ang CHEC ay kambal-tuko ng China Communications Construction Company (CCCC) na una nang naisangkot sa reclamation at paggawa ng artificial islands sa pinag-aawayang katubigan ng WPS. Maliwanag na sampal sa mga Pilipino at malinaw na pagyurak sa ating soberenya ang presensya ng “HONG FA 158” sa Zambales. Walang maaring
rason pa ang presensya nito dahil suspendido ang lahat ng dredging sa probinsya dahil sa reklamo ng mamamayan sa masamang epekto ng dredging sa marine bio-diversity at pangkalahatang kalikasan.
Ang pagsalba sa marine biodiversity at likas na yaman ng Zambales, kasama ang lupang ninanakaw doon, ay hindi lamang mahalaga upang masustini ang kalikasan kundi ito’y pangangalaga sa kabuhayan ng mga mangingisdang umaasa sa rekurso ng dagat at katubigan. Napakalaking dagok sa mga mangingisda ng Zambales na nangangahulugang kamatayan na rin nila ang pagkasira ng karagatan at pagkait sa kanilang mangisda sa katubigang ito.
Bukod pa sa direktang pagtataboy ng Chinese Coast Guard (CCG) sa mga Pilipinong mangingisda sa pamamagitan ng water cannon attacks, animo’y pagkitil na sa kanilang buhay dahil sa pagkait sa kanilang kabuhayan. Nararapat lamang na makiisa ang lahat ng mamamayang Pilipino upang patigilin ang pagnanakaw ng lupa sa karagatan ng Zambales ng mga banyagang Tsino, gaya ng nagkakaisang panunuligsa sa patuloy na pagtataboy sa mga mangingisda at pang-aagaw sa karagatang Pilipino. Walang magtatanggol sa Pilipino kundi kapwa Pilipino!
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
August 31, 2024