Pawala na O Meron pa?

MAGTATAPOS na bang ating kalbaryo sa panahong ito ng pandemya, o hindi pa? Meron pa bang mananalasang bagong variant si Covid 19, o panghuli na si Omicron, na ngayon ay siya ng dominanteng variant sa buong mundo?

Sa totoo lang, usapang tapatan, ay walang makapagsabi, kahit na simo pang Ponsyo Pilatong tanging agham ang pinaghuhugutan ng kaalaman at kagalingan.

Anila, lubhang maaga pa upang Makita ng tuwiran ang hangganan ng kasalukuyang pandemya, dito man sa atin sa Pinas o sa ibang dako ng mundo, ke mayaman o naghihirap na bansang tulad natin.

Ang madaliang paghuhusga, magandang senyales na tila sa Kamaynilaan, ay mukhang naaabot na ang rurok o “peak” ng mga kasong araw-araw ay naitatala.

May mga panahong pababa, at biglaan, dali-daling aakyat muli. Parang ang galaw ay tsubibong umiikot, at nagpapa-ikot sa kamalayan ng bansang lubhang matindi ang tama ni Omicron.

Samakatuwid, hanggang ngayon ay walang sinomang pantas ang makapagbibigay ng tapatang pahayag kung meron na tayong masisinagang hangganan sa dulo ng walang hanggan.

Kasi nga naman, patuloy ang pananalasa ng pandemya, na ngayon nga ang mukha at anyo nito ay Omicron — mabilis ang transmission o paglilipat ng hawa, kaya sa isang iglap ay ang dating bilang na 500 kada araw ay dagliang nadodoble sa susunod na araw.

Malungkot isipin na lampas dalawang taon ding ating dinanas ang laban kontra covid. Marso a-kinse 2020 nang humampas ang pandemya sa iba’t ibang anyo at ngalan.

Beta, Lambda, Gamma, at biglaan, dumating si Delta, hatid ang ibayong bagsik, at sa isang iglap, parang kabayong umalma ang pagsipa ng mga kaso, higit na lomobo ang hawaan, at humantong sa napakaraming pagamutan ang naapektohan. Bakunahan, malawakang bakunahan ang ginawang tugon ng lahat upang masawata ang Delta.

Kalaunan, nakitaan ng panghihina ang paglakbay ni Delta, gayong matindi pa rin ang dagok at sakit na idinulot nito.Biglaan naming umusbong si Omicron. Simbilis ng kisapmata, kanyang sinagasa ang buong mundo, at sa loob lamang ng maikling panahong nagtapos sa 2021, sumipa ang mga kaso ng hawaan.

Pamipamilya, bahay-bahay, barangayan na ang mabilis na hawaan. Hindi maitatanggi ang pagtaas ng kilay ng karamihan sa atin sa banta ni Omicron. Gayong may mga kasong nangyari sa ilang bahagi ng Pinas noong Kapaskuhan, hindi ito inalintana ng madlang pipol.

Eh ano, kung me Omicron, Pasko naman! Tuloy and Pasko at Bagong Taon, mga tradisyong hindi kailanman matitinag sa kamalayang Pinoy.

Pasabugin ang tuwa at sigla, ilabas ang pagkain at inumin at busugin ang lahat. Pati ang mga pataranta, itumba ng lubusan at ilabas pa ang mga itinatabi sa ibang okasyon. Pasko naman, kaya tuloy ang ligaya!

Dahil Pinoy tayo, mahalaga ang pagsasama-sama minsan sa isang taon. Dahil Pinoy tayo, bahala na ang bukas. Kaya naman, ang Ngayon ang
ipagdiwang; ang Bukas ay bahala na.

Ayon ke Marites — ang nail cleaner sa barberya na hilig ay magbigay ng latest — sa isang buwan, tiyak ng pababa ang bilang ng mga kaso dito sa bansa. Kasi, dumarami na ang mga nagpapagupit, nagpapaahit, nagpapaputol ng kuko. Si Omicron, ika pa nya, walang laban sa Pinoy na maiangat sa pag-alaga ng pa-pogi.

Ganyan yata tayong Pinoy, masaya sa gitna ng hirap, mas masaya kapag lumuluwag ang mga paghihigpit sa kanyang buhay. Sa ganyang pananaw, walang ibang tutunguhan ang Pinoy kundi ang dulo ng walang hanggan. Sa gitna ng gabi, kanya ng naaaninag ang liwanag ng isang bagong umaga. Dyan tayo Angat, dahil Ingat at Dapat.

Amianan Balita Ngayon