PB Castro, humiling ng barangay hall sa lungsod

Barangay Amianan Opinion

Isang kahilingan ang isinumite ni Burnham-Legarda Punong Barangay Teodoro C. Castro kay Mayor Mauricio G. Domogan para makakuha ng lupa na posibleng pagtayuan ng barangay hall.

Sa unang termino ni PB Castro ay ito ang kanyang pinagsisikapang gawin upang magkaroon ng maayos at sariling barangay hall, matapos mag-lapse ang kontrata nila sa inuupahan na opisina noong December 2017 sa General Lim Street.

Sinabi ni Kap Castro, “natapos na ang kontrata ng aming inuupahan na opisina sa General Lim Street noong December 2017 kaya nakiusap ako kay mayor kung pwede kami sa gusali ng City Library sa harap ng Children’s Park dahil ang gusaling ito ay may nakalaan na P1M na pondo na kaloob ni former Congressman Vergara, medyo may kaliitan lang at isang palapag lang ang pinagamit, hindi ko alam kung saan pa namin ilalagay ang ibang gamit at dito na rin gagamitin ng senior citizen ang kanilang pagmi meeting,”

“Sa tatlong prospect na pagtatayuan ng barangay hall ay naging masalimuot dahil napupunta sa road widening, ngunit ang panghuli na nakita ko ay ang lugar ng Cholos na kung saan ayon sa city ito ay public land na may 1,600 square meters, humiling kami ng kahit 500 square meters lang na ginawan namin ng resolution at ipinasa kay Committee on Land Councilor Edgar Avila at inaasahan namin na maipagkakaloob ito dahil pag-aari ng gobyerno,”

“Ang budget namin para sa taong 2018, kasama na rito ang mga clearance ng barangay ay nasa P2.402 milyon at ang 500,000 na bigay ng city ay magagamit namin sa re-alignment sa General Lim habang hinihintay pa ang approval sa city engineering office kung pwede na i-implement.”

“May mga problema kami sa banda ng Kisad Road at Bukaneg na may mga sasakyan na pumaparada upang kumain at nag iinuman pagkatapos ay basta na lang iiwan sa tabi ang kanilang basura, pero ngayon ay naglagay na kami ng signages at gabi-gabi kami nagro-ronda at kapag may nahuhuli kami ay pinagsasabihan namin sila, sa Burnham Park din ay di pa rin tumitigil ang mga masahista, nagiging guerilla style at walang magawa ang mga security ng Burnham Park, isa pang problema rito ay nagiging madilim na ang Burnham, walang ilaw ang ibang parte kung kaya’t minsan ay nagdudulot ng pagsasamantala ng masasamang loob, kaya inoobliga namin na rondahan ito.”

“Mahigpit din naming ipinagbabawal ang paninigarilyo sa perimeter ng Burnham Park kasama namin ang mga pulis ng COMPAC 2 upang maniwala ang mga sinisita namin dahil wala pang ordinance order ang city na ma-deputize kaming mga barangay official kaya hanggang sa pagsita na lang muna kami.”

“Gusto ko habang nasa unang termino pa lang ang serbisyo ko ay makagawa ako ng tamang paglilingkod sa mamamayan ng aking nasasakupang barangay, pagsisikapan ko rin na maisakatuparan na magkaroon kami ng sariling barangay hall,” pagtatapos ni Kap Castro.