PCSO kumita ng P30.78B sa Enero-Hunyo ng 2018

LUNGSOD NG LAOAG – Kumita ng kabuuang P30.78 bilyon ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, tumaas ng P6.4 bilyon o 26 porsiyento mula sa P24.4 bilyon ng parehong panahon ng 2017.
Ang halaga ay mula sa pinagsamang kita ng PCSO sa lahat ng kanilang produkto: Lotto, Keno, Sweesptakes, at Small Town Lottery (STL).
Kinumpirma ito ni PCSO General Manager Alexander Balutan noong Hulyo 17 nang ibahagi niya ang accomplishments ng kaniyang opisina sa mga stakeholder ng Northern Luzon sa naganap na media forum sa Fort Ilocandia Resort and Casino Hotel sa lungsod na ito.
Ani Balutan, ginagawa ng PCSO ang kanilang makakaya upang makamit ang target at sinisiguro niyang ang lahat ng benepisyo ay umaabot hanggang sa pinakamaliit na bahagi ng komunidad gaya sa rehiyon ng Ilocos.
“Figures don’t lie. The 26 percent increase is proof that we are generating more revenues, which is close to the almost P50-billion target this year,” aniya.
“We are conducting media fora in all parts of the country to show to the public that PCSO is transparent in our dealings. We would like to show the public where their money goes.”
Ang mga kinatawan ng iba’t ibang sangay ng PCSO sa Luzon ay pinangunahan ni Balutan sa isinagawang “Sama-samang Talakayan at Linawan”, isang stakeholders forum na magbibigay liwanag sa kasalukuyang mga programa at mga proyekto ng PCSO bilang suporta sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, partikular sa pagbibigay ng social services at infrastructure programs.
Sa apat na gaming products ng PCSO, ang STL, o mas kilalang “legalized jueteng”, ang nakakuha ng pinakamalaking kita na P12.4 bilyon sa unang kalahating taon kumpara sa P5 bilyon lamang ng parehong panahon noong nakaraang taon.
Ani Balutan, ang pagtaas ng kita ay nagpapakita ng masusing pagsisikap ng pamahalaan na alisin ang illegal gambling at hayaang makapasok ang operasyon ng STL sa bawat probinsiya.
Habang hinihimok ang lahat ng stakeholders upang suportahan ang gaming products ng PCSO, siniguro niya na habang mas maraming kita ang naipapasok ng PCSO, mas maraming benepisyaryo rin ang maseserbisyuhan nito.
Sa unang bahagi ng 2018, iniulat ng PCSO na 236,595 na mga patient-beneficiaries ang kanilang naserbisyuhan, 31 percent o 51,688 na mas maraming pasyente, kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ang halaga ng charity assistance ay naisasalin sa halos P4.6 milyon na ipinagkaloob ngayong taon. L.ADRIANO, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon