Noong hapon ng Pebrero 24, 2021, isang padasku-daskol na “buy-bust operation” na humantong sa isang shootout sa pagitan ng yunits ng Philippine National Police (PNP) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Nagresulta ito sa pagkamatay ng dalawang pulis, isang PDEA agent at isang impormante. Kapuwa sinabi ng dalawang ahensiya na nagsasagawa sila ng isang lehitimong anti-drug operation.
Magsasagawa ang mga opisyal ng Quezon City Police District Special Operations Unit (QCPD-DSOU) ng PNP noong Pebrero 24, 2021 ng isang buy-bust operation kasunod ng isang “pahapyaw na incident report” mula sa QCPD Police Station sa Batasan Hills. Ang operasyon ay dapat sana sa Quiapo, Manila mangyayari subalit nailipat sa Litex, Quezon City.
Bandang hapon ay isang puting saskayan ng PDEA ang pumarada sa parking lot ng isang mall dahil nasiraan diumano ito. Mga kalahating oras ay dumating din sa parking lot ang isang puting van na pag-aari din ng PDEA habang dalawang pulis ng QCPD ang nakita sa CCTV na humangos papalapit sa puting nasiraang kotse kasunod ang isang babaeng pulis na dala ang diumano’y“buy-bust money”, mabilis ang pangyayari, at biglang nagkaputukan patay agad ang dalawang pulis at isang ahente ng PDEA.
Bigla ring nagsulputan ang mga pulis at PDEA agents at nagkapalitan na ng mga putukan kahit pa nagpakilala na ang mga ahente ng PDEA na sinagot naman ng mga pulis na “walang pi-D-PDEA sa amin” at sumiklab ang matinding palitan ng putok na nagtagal ng higit isang oras. Nagpulasan ang mga tao sa paligid, kani-kaniyang tago at may mga naiipit pa sa mga establisimiyento. Tila isang madugo at maaksiyong eksena sa isang pelikula.
Matapos kumalma ang sitwasyon ay nagsilabasan na ang mga kuha ng cctv na ipinost sa media. Inisyal na inilarawan ng PNP ang insidente bilang isang “misencounter” na sinabing ang mga ahente ng PDEA ang unang nagpaputok na nagresulta sa palitan ng putok subalit kalauna’y inabandona ang paglalarawang ito at ikinonsiderang ito ay isa posibleng pangyayri sa insidente.
Sa kanilang bahagi ay sinabi ng PDEA na ang mga pulis ang nag-umpisa ng barilan at patunay daw ag nakita sa CCTV footage na nagpapakilala sila sa mga pulis na mga ahente ng PDEA. Isang angulo na ikinokonsidera ng pulis ay maaaring ang isang panig ay magsasagawa ng isang “sell-bust operation” (na sinasabing iligal na paraan) kung saan nagpapanggap ang mga awtoridad bilang drug dealers upang mahuli ang mga buyer ng iligal na droga.
Isa pang angulo ay ang pagkakasangkot ng mga sindikato ng droga na sinet-up o “pinaglaruan” nila ang mga awtoridad na nagresulta sa barilan sa pagitan ng dalawang tagapagpatupad ng batas.
Kasunod nito ay itinalaga Pangulong Rodrigo Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) bilang tanging mag-iimbestiga sa insidente at itigil ang pinagsanib na imbestigasyon ng PNP-PDEA upang masiguro ang kawalang-pagtatangi. Hiniling din ni Duterte sa Senado at Kamara na iantala ang kanilang sariling imbestigasyon sa insidente. Labing-isang pulis at pitong ahente ng PDEA ang sumasailalim ngayon sa imbestigasyon.
Ang giyera laban sa iligal na droga ay isang pangunahing kampanyang pangako ni Pangulong Duterte nang tumakbo siya noong 2016. Habang nagresulta ang giyera sa droga sa pagsamsam ng bilyong-bilyong halaga ng mga iligal na droga ito ay tumanggap ng matinding pagtuligsa mula sa lokal at international rights groups sa gitna ng mga alegasyon ng extrajudicial killings. Hanggang Nobyembre 2020 ay sinabi ng PDEA na 5,980 drug suspects ang napatay na sa mga lehitimong police operations at 269,046 ang naaresto mula ng maupong Pangulo si Duterte.
Nakakalungkot pa na kamakailan lamang ay inamin ng DOJ ang pagkakasala at pagkukulang ng pulis sa libo-libong pagpatay dahil sa giyera sa droga at sa talumpati ni Secretary Menardo Guevarra sa harap ng Human Rights Council noong Pebrero 24, 2021 ay sinabi niyang sa initial findings ng departmental review sa pagkamatay ng mga drug suspects sa panahon ng anti-drug operations na sa maraming kaso ay hindi nasunod ng pulis ang standard protocols sa koordinasyon ng drug raids at sa pagproseso sa lugar ng krimen. Ang kaniyang pahayag ay seryosong sumira sa karaniwang pahayag ng gobyerno na napatay ang mga drug suspect dahil “nanlaban” sila.
Ngayon ay dumagdag pa ang mainit na insidente sa pagitan ng PDEA at PNP na kapuwa inaaring lehitimo ang kani-kanilang mga operasyon kontra iligal na droga na sa kasamaangpalad ay sila-sila na ang nagka-engkuwentro at nagbarilan. Sa mga pinakahuling pangyayaring ito, isama pa ang hindi masyadong naiuulat na mga insidenteng gaya nito ay magiging epektibo pa rin ba ang laban kontra droga? Magiging kapani-paniwala pa rin ba ang bawat operasyon ng mga awtoridad at higit sa lahat ay hindi kaya mabawasan ang kumpiyansa at tiwala ng mamamayan sa PDEA at PNP – dahil sa laban kontra droga ay sila-sila na ang naglalaban? Saan hahantong ang giyera kontra droga? Abangan ang susunod na eksena.
March 6, 2021
November 30, 2024
November 23, 2024
November 17, 2024
November 9, 2024
November 1, 2024
October 26, 2024