PhilHealth aka PhilWealth

Opinion

Tama! Dapat na sigurong palitan ang pangalan ng PhilHealth sa PhilWealth dahil yaman din lamang na ang ahensiyang ultimo kanlungan at takbuhan ng mga Pilipino sa oras ng pagkakasakit at pagkakaratay sa ospital dahil sa lubhang taas ng halaga ng medikal na gastusin ay pinagkakuwartahan ng mga makakapal ang sikmura na animo’y mga buwayang mga opisyal sa ahensiyang ito.

Ang alegasyon ng talamak na korapsyon sa PhilHealth ay mas matindi pa daw sa “kanser”. Ang sumambulat na balita ng anomalya at korapsyon sa loob ng ahensiya kung saan ibinunyag ng nagbitiw na Antifraud legal officer ng PhilHealth na may umano’y “mafia” o sindikato sa loob ng ahensiya na binubuo ng matataas na opisyal. Hindi na raw niya masikmura ang umano’y malawakang korapsyon na buhay-na-buhay na uod na kasing-bagsik ng coronavirus.

Nasa mahigit PhP15 bilyon daw ang nawawala dahil sa katiwalian sa loob ng ahensiya. Nananakaw mula sa mamamayang Pilipino na nagaambag para sa sarili nilang proteksiyon pagdating ng
pagkakasakit o pangangailangan.

Isa sa kamakailang anomalya ng korapsyon ay ang overpriced daw na information technology equipment kung saan dinipensahan ng hepe ng PhilHelath na nararapat at kinakailangan daw ang equipment na ito upang matanggal ang korapsyon sa ahensiya. Hindi ito ang unang alegasyon ng katiwalian sa mga opisyal ng PhliHealth, sa nagdaang mga taon ay nabahiran ng mga iskandalo at kontrobersiya ang ahensiya, mga opisyal at empleyado nito gayundin ang mga ka-partner na establisimiyento.

Maaalala nyo pa ba ang cataract surgery scam noong 2015 kung saan anim na pasilidad ang pinapasailalim ang mga miyembro sa dikinakailangang cataract surgery kahit pa walang pahayag na pahintulot na humangga sa pagsingil ng mas malaki sa PhilHealth?

Ang magarbong pamumuhay at sobra-sobrang travel allowances na kinasangkutan ng dating hepe nito? Ang gamutan sa kidney ng mga ‘multong pasyente’ kung saan inaprubahan at inilabas ng PhilHealth ang bayad para sa mga dialysis ng mga pasyente na natuklasang mga patay na at mga pasyenteng kinakailangan pang kumpletuhin ang gamutan?

Marami pa sigurong mga maliliit na katiwalian na hindi na napapaulat at ang bulok na kalakaran sa loob ng ahensiya ay nagpapayaman sa mga gahaman at ganid sa salapi na ang pinaghirapan ng mga mamamayan ay napakadali nilang nakawin. Ang masaklap pa ay kahit sa gitna ng pandemya kung saan lahat ay apektado ay nasisikmura pa ng mga tinawag na ‘sindikatong’ ito ang magsamantala.

Dahil sa umaalingasaw nang baho ng katiwalian sa PhliHealth ay nabuhay muli ang panawagang buwagin na ang ahensiya. Ngunit kung mapagbibigyan na mabuwag ito, saan naman kaya pupulutin ang mga kawawang miyembro ng PhilHealth na tanging iniasa na lamang sa ahensiya ang kahihitnan ng kanilang kalusugan pagdating ng panahon?

Alin kaya ang mas mabuti, ang buwagin ang ahensiya nababalot ng katiwalian o pagsisibakin ang mga tiwaling opisyal – kung mayroon mang mapatunayan at panagutin kasama ng mga kakutsaba nilang mga establisimiyento?