Pilipinas gustong maging ‘MAHARLIKA”

Susmaryosep! Pangalan ng ating bansang Pilipinas…gustong palitan ng MAHARLIKA? Nakopow! Mag-isip-isip muna tayo mga pards. Maraming masasagasaan pag nagkataon, di ba? Ilang siglo na nating minahal ang pangalan ng ating bansa na Pilipinas…tapos papalitan ng Maharlika? He he…di yata basta-basta magaganap ire, pards. Tiyak mas maraming kokontra keysa aayon dine. Sige, busisihin natin:

******
1521 nang dumaong sa ating lupain (7,100 islands) ang mga Espanyol sa pamamagitan ni Ferdinand Magellan. At dahil sa sila ang nakaisip ng ipapangalan sa bansa…tinawag nila itong Islas Filipinas. At nang lumaon, ginawa nilang Pilipinas bilang pagkilala kay King Philip na hari ng Espanya. Pero teka lang mga pards, bago sila dumating at inutas ng itak ni Lapulapu…may mga nauna ng nakatira sa mga isla ng ating bansa. May mga galing China, Taiwan, Vietnam, Malaysia at marami pang isla sa Asya.

Ngunit bago sila nakapagparami sa ating bansa…matagal ng naririto ang mga sinaunang tao ng ating lahi na mga Negritos o ang mga tinatawag nila ngayong mga Aetas. So ibig sabihin na sa panig ng mga sinaunang mga tao sa ating isla….tiyak na meron na rin silang kanya-kanyang ipinangalan sa ating bansa.

Dangan nga lamang dahil sa pananakup ng mga Kastila, ang kanilang ibinansag na pangalan ng ating isla ang nagamit hanggang ngayon. Ibig sabihin, na kung may mga malalakas sanang oposisyon sa panahong yon….maaring hindi Pilipinas ang pangalan ngayon.

******
Dahil sa buktot na pamamahala ng mga Kastila sa panahong yaon….natutong maghimagsik ang ating mga bayani. Nabuo ang Katipunan na naging tulay upang naiparamdam sa mga dayuhang Espanyol ang kanilang maling pamamalakad. At ang kasunod ay iba na namang pananakop.

Napasailalim tayo sa rehime ng mga puti o Kano na nang tumagal, muling naghimagsik ang ating mga bayani laban sa kanila. At sumunod ang giyera dahil sa mga Hapon. Sa tatlong pananakop na ito…naging matatag at hindi napalitan ang pangalang Pilipinas ng ating bansa. Kung sakali mang may mga pagtatangka sa nakalipas na panahon na baguhin ang pangalan ng bansa ay hanggang sa hangarin na lamang at hindi naisagawa.

Katunayan, sa kasaysayan ng ating bansa….may mga grupong gustong ihiwalay pa nga ang Mindanao sa kabuuan ng Pilipinas. Magkakaroon daw sila ng sariling pera at gobyerno. Pero hindi nagtagumpay at yan ngayon ang iniingatan ng pamahalaan na papag-isahin ang Luzon, Bisayas at Mindanao sa silong ng iisang bandila o watawat at iisang adhikaing magkaisa, magkabuklod tungo sa mas matatag na kinabukasan ng ating salinlahi.

******
Pero, maraming nagulat nang nagpahiwatig si Pangulong Duterte hinggil sa pagpapalit ng pangalan ng bansa at gawing Maharlika base raw sa naisip noon ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos. Sangkatutak ang mga umupak sa isyu bagama’t meron ding mga sumang-ayon. Lalo pa at umusad na ang panahon ng kampanyahan ng mga tumatakbong senador at partylists. Sala-salabat na ang mga pahayag na lalong lumito sa utak ni Juan dela Cruz.

Pahapyaw nga ng marami: ang daming problema ng lipunan sa ngayon na dapat pagtuunan ng pansin, pagpapalit pa ng pangalan ang gustong atupagin! Sigaw ng mga moralista: imbes na pababain ang presyo ng mga bilihin at patatagin ang buhay ng bawat Pilipino…pagpapalit ng pangalan ng bansa ang gustong gawin. Say niyo mga kabayan?

Sige, idalangin na lang natin na sana mareresolba rin ang kontrobersiyang ito sa matiwasay na paraan. Belated happy valentines sa lahat. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Gov. Pacoy

Illusion of Reality

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon