Pilipinas….Kampeon sa SEAG….Pero…?

Di magkamayaw ang tuwa at pagbubunyi ang buong bansa sa tinamong kampeonato sa katatapos lang na Southeast Asian Games (SEAG). Mantakin mong grabe ang kartada ng ating mga atleta pagkatapos na halos labingisang araw kahit pa binagyo.

Totoo yata ang sigaw noon ng mga atleta na – “bagyo ka lang, kami ay Pilipino!” Parang ganito rin kasi ang tema ng “win as one” na naging inspirasyon ng ating mga magigiting na mga atleta. Talagang nakakalula ang resulta ng kanilang pagsisikap na ipinakita ng 149 gold, 118 silver at 120 bronze sa kabuo-ang 387 medals. Ito ang record breaker sa lahat ng pagsali ng ating bansa sa SEAG. At bago natin uriratin ang ating tagumpay, sisigaw muna kami ng Mabuhay!!!
******
Matapos ang 14 na taon ng paghihintay…ito na…muling nakamit ng Pilipinas ang kapana-panabik na overall championship sa SEAG. Ito, ika ng mga observers at analysts ay katumbas ng dugo’t pawis, isinapusong sakripisyo, matigas at buklod na determinasyon at matatag na pangarap ng bawat Filipinong atletang kasali. Isama na natin ang mga taong nag-coach, nagsitulong, sumuporta sa lahat ng kinailangan para sa tamang pagsasanay ang dapat pasalamatan.

Sila ang naging giya at naging piloto ng tagumpay ng Team PH. Saludo rin tayo sa tatag ng Phisgoc, ang organizer sa pamumuno ni Chairman (Hse. Spkr.) Peter Allan Cayetano at mga kasamang opisyales dahil di sila nagpatinag sa mga lumabas na mga negatibong kontrobersiya bago pa man nagsimula ang SEAG. Pero sa ipinakitang lakas ng Team Philippines…kanilang isinantabi ang kontrobersiya at nagkaisang lumaban para sa dangal ng ating bansa. Muli, saludo po kami sa inyo.
******
Sa ating mga pagsali sa biennial meet (SEAG), tinaguriang Miracle of 2005 ang nagbigay ng unang karangalan sa Pilipinas na magkampeon sa SEAG. Ang masaklap ay ang nangyari noong 2017 sa Kuala Lumpur Games dahil lumapag lang tayo sa ika-anim na puwesto na may 24 gold, 323 silver, at 64 bronze; samantalang noong SEAG Manila 2005….naibulsa noon ng Pilipinas ang 112 gold, 85 silver at 93 bronze para sa 40 sp0rts na may 443 events mula Nob. 27 hanggang Dec.5 na ginanap sa Manila, Cebu, Negros Occidental, Zambales, Cavite, Laguna at Pampanga.

At sa katatapos na SEAG 2019…hindi lang sa dami ng medalyang nasungkit ng ating mga atleta ang naging sentro ng usapusapan. Una, mga atleta at delegado ay humanga agad sa garbo at ganda ng opening o pagbubukas ng palaro. Pinuri din nila ang organizers bilang “best SEAG organizer” at mainit na pagtanggap ng bansa sa mga delegado at atleta.

Kanilang sinaluduhan ang ginawang kabayanihan at malasakit ni Pinoy surfer hero na si Roger Casugay nang sinagip ang katunggaling Indonesian. At muling nagkasubukan ang dalawa…nanalo si Casugay ng medalyang ginto. At bilang pagkilala sa kanyang katapangan at pagmamalasakit (ng isang Pinoy)…siya ang ginawang “flag bearer” ng PH
Team sa closing ceremonies.

Marami pa itong tinamong pagkilala mula sa ating mga opisyal ng gobyerno at mamamayan. Hinangaan din ito ng mga dayuhang delegado at atleta. May bumulong pa nga na…baka raw sa mga susunod na araw ay meron ding pasasalamat at parangal na magmumula sa Indonesia para kay Casugay. At bilang panghuli…sa likud ng ating pagbubunyi…naroon pa rin ang malaking “PERO”. Ano kaya ang mangyayari sa iniimbestigasyon ng kontrobersiya lalo na sa gastos sa Sea Games?

May mapaparusahan kaya kung may pagkukulang man? Pero…sa puso ng sambayanan….ano mang kontrobersiya ang maaring naganap at mapatunayan….mas masidhi ang kanilang pagsaludo at galak sa nagampanan ng Team Philippines. Baka gusto lang daw gumawa ng gulo ang mga naninira….he he…malapit na kasi ang eleksiyon! Ngek! Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon