Pilipinas…Best SEA GAMES Organizer!

Marami ang nagulat sa galing ng mga atletang Pinoy na sumabak sa SEA Games na ginaganap sa ating bansa. Mantakin mong habang sinusulat ang espasyong ito, naka 56 gintong medalya na ito, 40 silver at 21 bronze. Ang pumapangalawa sa atin ay ang Vietnam na may 25 gold, 29 silver at 31 bronze.

Ang naturang kartada ay nagpapakita ng lakas ng Team Philippines sa likud ng mga kontrobersiya bago pa nagsimula ang palarong pang- Asya. Mantakin mong labing isang bansa ang nagtatagisan ng galing sa palakasan ngunit hindi nagpatalo ang ating mga atleta. Kaya gulat ang buong bansa sa ating galing. Pero mas nagulat pa tayo dahil ginawaran tayo ng paging – Best SEA Games Organizer Award! Wow Men…bigat talaga ang ‘Pinas!

Parang punas ang mga kontrobersiyang ibinabato ng mga kontrabida lalo na ang “Kaldero” issue.
******
Para sa kaalaman ng madla…kinilala ng Sports Industry Awards Asia (SPIA) ang Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) sa kakayahan nitong mag-organisa ng pinakamagandang SEA Games.

Sabi nga ng SPIA…ibang level daw ng pagsisikap ang ipinakita upang maging world class ang opening ceremonies at ang kabuuang 56 sports at 530 events. Maaring may mga kilay na bumagsak lalo na sa panig ng mga “team walang tiwala” na kikilalaning “best SEA Games organizer” ang PHISGOC.

Ang say ng mga sports analyst na ang SPIA ay isa sa mga prestihiyoso at kinikilalang award giving body sa Asia na may malalim na background sa pagbibigay ng pagkilala sa Asian sports Industry ng mahabang taon.

Katunayan, mismong si SPIA CEO Eric Gottschalk ang personal na nagbigay ng award kina PHISGOC Chairman Alan Peter Cayetano at PHISGOC Chief Operating Officer Ramon Suzara sa ginanap na conference na inorganisa ng SPIA Asia sa Grand Hyatt Hotel kamakailan. Ang naturang award ay magsisilbing inspirasyon ng ating mga atleta at organizers upang lalo pang pag-ibayuhin ang laro.
******
At para naman sa mga atleta…base sa umiiral na batas ng ating bansa…hindi pababayaan ng ating pamahalaan ang kanilang galing. May naghihintay na malalaking benepisyo sa mga makakakuha ng medalya. Ayon sa batas…ang medalyang ginto ay may reward na P300K, ang silver ay P200K at ang bronze ay P100K. May lumutang pang pangako na nang dahil sa magandang showing ng ating mga atleta…baka raw “madoble” pa ang premyo nila liban sa insentibo pa mula kay Pres. Duterte, Senado at may pangako rin si Gov. Chavit Singson. Ibig sabihin, hindi masasayang ang pinaghirapan at pagsusumikap ng ating mga atleta na naghanda para sa SEA Games.

At ang isang kamangha-manghang rekord ng ating Team Philippines ay ang pagkakaroon na ng gold medal ang Pilipinas sa swimming competition ng Southeast Asian Games. Nagwagi ng gintong medalya si James Deiparine sa 100-meter breastroke event kontra sa swimmers ng Vietnam at Singapore. Ito ang unang gold medal sa swimming ng bansa mula pa noong 2009.

Marami pang kagila-gilalas na pagpapakita ng galing ang itinala ng ating mga atleta upang hangaan sila ng buong Asya.
******
Mga tanong: sa galing na ipinakita ng mga atletang Pinoy sa likud ng mga kontrobesiya…ano na kaya ang reaksiyon ng mga kontra? May mga lumutang kasi noong nakaraan na may mga tao talagang gustong sirain ang imahe ng gobyerno sa panahon ng SEA Games. Kaya nga’t sabi ni Pres. Digong na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa mga alegasyon at paratang sa pondong nagamit at iba pang hinala. Ang gusto nating saluduhan ay ito: hindi natinag at hindi nagpaapekto ang ating mga atleta sa mga kontrobersiya.

Mabuhay Team Philippines. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon