Pilit mang harangin, sa destinasyon pa rin ang tungo

Mula nang magdeklarang tatakbo sa pagka-Pangulo si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Oktubre ng nakaraang taon at sa unang labas ng mga survey na pinapaboran siya na nasa 15% botante para sa 2022 halalan ay patuloy na siyang pumapailanlang sa mga sunod-sunod na survey na ginagawa ng iba’t-ibang survey firm. Ito rin ang nangyayari sa mga impormal na “kalye surveys” sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Ito ay sa kabila ng mga akusasyon at negatibong pagsasalarawan sa kaniya – anak ng diktador, magnanakaw, nagsinungaling sa COC niya, nagsinungaling sa kaniyang natapos, tax evader, wala daw nagawa bilang kongresista at senador at ang huli ay gumagamit daw ng ipinagbabawal na gamot at marami pang paratang at paninira.
Sa pinakahuling mga survey (kahit pa mga kinomisyon ng mga kalaban) ay patuloy na nangunguna si BBM ng napakalaki at napakalayo ang agwat sa pumapangalawa sa kaniya, na kung ang halalan ay gagawin na ngayon ay mukhang siya na ang ika-17 pangulo ng Republika
ng Pilipinas.
Mula sa 15% noong una ay pumalo na mula sa 53% hanggang 61% ang nakukuha ni BBM na mga tango ng mga botante, ito ay sa kabila ng kaliwa’t-kanang pagpipila ng kanselasyon at disqualification cases laban sa kaniyang kandidatura sa harap ng Commission on Elections.
Wala pa ni isang kandidato mula noong pagkatapos ng 1986 EDSA revolution na mga eleksiyon ang nakarating sa bilang na iyon na matatag at walang pagbabago kundi ang pataas pa na mga survey bago ang eleksiyon.
Kahit pa ang 40 mahigit na porsiyento ni Noynoy Aquino na nagluklok sa kaniya noong 2010 dahil sa malaking buhos ng simpatiya sa pagkamatay ng ina niyang si Cory ilang buwan bago ang halalan. Nanguna siya sa mga survey subalit hindi kailanman nakarating sa 50%.
Kamakailan ay ibinasura ng Comelec Second Division ang petisyon ng mga biktima ng Martial Law na kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni Bongbong Marcos na nagpapalaya sa kaniya sa isa pang legal na hamong ipinila upang harangin ang kaniyang kandidatura sa pagka-pangulo.
Sinabi ng Comelec Second Division na walang basehan upang kanselahin ang COC ni BBM base sa “material misrepresentation”, bagkus ay sinabi ng Comelec na “sinadya ng mga petitioner na tukuyin ang isang aplikableng probisyon ng batas upang linlangin ang Komisyon”.
Nag-iisa lang ang petisyon na ito upang kanselahin ang kaniyang COC na kinakaharap ni Marcos, subalit mayroon pa ring mga disqualification cases na parehong tinutukoy ang tax evasion na nakabinbin pa sa First at Second Division ng Comelec.
Nilinaw ng tagapagsalita ng Komisyon na ang hatol sa petisyon upang kanselahin ang COC ay wala daw epekto sa iba pang mga kaso laban kay BBM na nananatiling nakabinbin.
Ang First Division na may hawak sa tatlong petisyon para sa diskuwalipikasyon ay dapat sanang maglalabas ng pahayag sa mga kaso noong Lunes, Enero 17 ngunit hanggang sinusulat ito ay wala pang mga pahayag na pinagdudahan tuloy ng ilan na taktika na iantala na agad namang pinasinungalingan ito.
Mukhang nagkakatotoo ang naunang pahayag ng abogado at dating dekano ng Ateneo de Manila School of Government Tony La Viña na malaking posibilidad na ang mga kasong diskuwalipikasyon laban kay BBM ay maibabasura. Dahil ang ultimong bagay daw ay isang politikal na katanungan.
Lalo na sa isang nangungunang kandidato – na hindi dapat idisqualify ang isang nangungunang kandidato na tila may suporta ng maraming tao, dahil pinagkakaitan mo daw ang mga tao ng kanilang pinili – “political law 101” daw na kung saan may mga tiyak na bagay na kailangang desisyunan ng tao at hindi ng mga korte.
Sinabi niya na ang doktrinang politikal na ito ay tinatalakay sa mga paaralan ng batas kaugnay sa mga kaso ng diskuwalipikasyon sa mga pambansang halalan. Naniniwala rin tayo na marahil ay hahayaan ng Commission on Elections at ng Korte Suprema na magdesisyon ang tao sa bagay na ito sa pamamagitan ng kanilang mga boto.
Kung ang pagpila ng mga kaso ng diskuwalipikasyon ay ang natitirang desperadong hakbang ng mga kontra kay BBM (o sa mga Marcos) ay maaari nga naman nila itong gawin, marahil sa pahayag ng tagapagsalita ng Comelec na wala daw takdang araw ang pagpila ng mga petisyon ay maghahain pa ng mga kasunod ng kaso ang mga kaibayo ni BBM kahit pa alam na nila na walang patutunguhan ito.
Isa sa mga layunin ng mga nagtataguyod para sa pagbabago sa nalalapit na halalan ay dapat makumbinsi ang ating mga kababayan na maniwala na walang likas na mali sa atin bilang mga tao.
Lahat ng mali sa ating bansa ay nasa ating mga lider, at hindi sa atin na mga tao.
Ang pagbabago ay darating kung ihahalal natin ang mga pinuno na rumerespeto, pinapahalagahan at pinagyayaman tayo, na mga Pilipino.
Ang hindi malinaw ay kung ang mananalo sa halalan ay maibibigay ang pangakong pagbabago, lalo na sa panahong ang mamamayan ay pinahirapan ng pandemya.

Amianan Balita Ngayon