PINOY BINITAY SA SAUDI- MARYUSEP!!!

Sandamakmak na namang maryusep ang pumurga sa atin sa nakalipas na mga araw. Bakit? Hindi lang sa isyu ng pulitika ang mga imbestigasyong ginagawa ng kongreso kundi isang ulat na isa na namang Pinoy ang binitay sa ibayong dagat particular sa Saudi Arabia. Ating unang ungkatin nga ire, mga pards: Ayon sa Department of Foreign
Affairs kamakailan, isang Pilipino ang binitay sa Kingdom of Saudi Arabia dahil sa pagpatay sa isang Saudi National.

Habang sinusulat ang ulat na ito…wala pa namang opisyal na pahayag ang gobyerno ng Saudi Arabia ngunit kinumpirma na g embahada ng Pilipinas doon na may nangyari ngang pagbitay sa isang Pilipino dahil sa isyu ng
“pera”. Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo De Vega at ng Malakanyang, ginawa naman ng ating pamahalaan ang lahat ng makakaya sa naturang kaso kasama na ang pagpapadala ng presidential letter of appeal subalit nabigo.

Sa pahayag ni Pagulong Ferdinand Marcos Jr. bago siya tumulak para sa Asean Summit sa La, halos 5 hanggang 6 na taon nilang inilaban ang kaso ng Pinoy ngunit bigo pa rin. Liban sa pakikiramay at dasal mula sa pamilya Marcos…tiniyak ng Pangulo na maibibigay ang lahat ng kailangang legal para maiuwi dito sa bansa ang bangkay. Bilang pagrespeto sa hiling na privacy ng pamilya ng biktima kaya hindi na ito pinangalanan. Sa pulitika maraming kaganapan sa nakalipas na ilang araw lang.

Umabot na sa 187 ang mga nagpila ng kanilang kandidatura sa pagka-senador at 190 namang dokumento ang naipila
para sa party list. Sa dami nito, tiyak na mahaba-haba ang ating kukutuhan sa pagboto sa darating na Mayo 12, 2025. Kung sa mga kontrobersiyang tao ang usapan…nakapaghain na ng kanyang COC sa pagka-senador si Pastor Apollo Quibuloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC). Ayon sa Comelec, kumpleto ang dokumentong isinumite ng kampo
ni Quibuloy hinggil dito kaya tinanggap nila ito.

Sa kabilang dako naman…hindi na tumakbong mayor sa susunod na taon si Banban, Tarlac Mayor Alice Guo. Ayon sa kanya..haharapin na lamang muna niya ang mga akusasyon laban sa kanya. Lilinisin muna niya ang kanyang
pangalan para maging “fair” sa kanyang mga constituents. Patuloy namang dinidinig ng Comelec ang kanyang kasong “material misrepresentation” nang tumakbo ito noong 2022 National and Local Elections. Kung si
Atty. Roque ang kukumustahin…presente na siya sa pagdinig sa Kongreso kamakailan.

Ayon sa mga observers…sa tinatakbo ng mga imbestigasyong ginagawa ng House at Senado…malayo pa ang
hangganan. Barko ng BFAR sa Bajo de Masinloc…binomba na naman ng tubig ng mga Barko ng Tsina kamakailan. Ayon sa ulat, nagsagawa ng resupply mission ang BRP Cabaylo at BRP Datu Sanday ng BFAR nang bombahin ng tubig ng barko ng CCG- Chinese Coast Guard. Gayunman, hindi pa rin napigil ng tatlong CCG at isang PLA-Navy vessel ang ating mga barko sa paghahatid ng ayuda at supply.

Tumanggi namang magbigay ng detalyadong ulat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa pangyayaring ito. Sa huling tala ng AFP, umabot sa 190 ang bilang ng mga sasakyang pandagat ng China ang nakita nila sa West Phil. Sea (WPS)..kumpara sa nakaraang linggo na 78 lang. Ang mga barko ng China ay kinabibilangan ng 28 na People’s Liberation army Navy (PLAN) at China coast Guard na nakitang nakapuwesto sa may Ayungin
Shoal, Escoda Shoal at Bajo de Masinloc o ang Scarborough Shoal.

Ayon sa PN…ang presensiya ng mga barko ng Tsina sa WPS ay lantarang pagbabalewala at pambabastos sa 2016 Arbitral Tribunal Ruling at paglabag sa soberenya ng Pilipinas. Saan kaya hahantong ang tensiyong ito sa WPS? Sabagay, may magandang balita, pards. May batas na tayo (Pinirmahan ni Pangulong Marcos) na pag-iibayuhin ng ating pamahalaan ang paggawa ng sarili nating armas para di na tayo gaanong dedepende sa importasyon nito. Mabuhay ang Pilipinas. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon