Talagang hindi na tayo tinantanan ng mga kontrobersiya ! Sa likud ng mga unos na nagbunga ng kalamidad, sumasabay ang mga samu’t-saring problema. Una, medyo nakakahinga na tayo sa isyu ng asukal, asin, sibuyas at iba pang paninda bagama’t sa taas ng presyo, naroon pa rin ang mapait na eksena. Kamakailan nga, lalo pang tumaas ang presyo ng produktong petrolyo. Wala tayong magagawa dahil dikta ito ng mga bansang pinagkukunan natin ng produkto.
Sa isyu naman ng mabagal at nakaka-highblood daw na problema sa LTO mula rehistrasyon, lisensiya sa
pagmamaneho hanggang sa plaka….aaksiyunan na raw. Papano naman daw yong isyu sa National ID? Sabi nila noon, mga tatlo hanggang anim na buwan, may ID ka na, pero inabot na ng taon. Samantalang isa daw eto sa napakahalagang dokumento ng bawat Pilipino. Ang sabi, pabibilisin na raw. Tambak na
ang mga lumang kontrobersiya…tatambakan pa tayo ng mga bago. Paano ka na, Juan dela Cruz?
Narito ang ilang bagong isyu: Una, mga taga-media, may pinapatay at may binubugbog. Di alam kung
dahil sa trabaho o personal. Pero, sabi ng gobyerno, kumikilos na ang imbestigasyon. Muntik nang
malagay sa alanganin ang buhay ni dating Senadora Leila De Lima. Nataon lang daw dahil sa mga gustong tumakas na mga bilanggong miyembro ng Abu Sayaf (ASG). Patay ang tatlo at sibak sa tungkulin ang hepe ng PNP Custodial Unit. Kongreso, magiimbistiga raw. Sa dami ng mga iniimbestigahan ng Kongreso (Senado/Lower House), sabi ng ilan: puno na sila ng imbestigasyon, papano na ang tungkulin nilang gumawa ng batas? Di ba may mga korte naman tayo? Nasasantabi na ba ang Korte? Buti na lang
batas na ang Sim Card Registration.
Mababawasan na tayo ng panganib sa scam messages at mga kalokohang nagaganap dahil sa illegal na
paggamit ng cell phone. Pero teka, pards…bakit nagsusulputan yata ngayon ang mga bulgaran? Di ba
andiyan na ang mga yan bago pa umupo bilang pangulo si Pres. Ferdinand Marcos Jr? Masaklap na mana ito pero sinisikap namang lutasin. Pangalawa, may bago na naman: ito ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o kilala bilang POGO sa ating bansa, na nagkaroon ng mantsa dahil nabulgar na may mga illegal na POGO joints at mga illegal na mga dayuhang empleadong ginagamit.
Ang masaklap, karamihan dito ay mga galing China. May ulat pa nga noon na baka ang ilan sa mga illegal
workers na ito ay mga may kaso sa Tsina at dito lang nagtatago sa Pilipinas. So, gumawa ng hakbang ang gobyerno. Nabuking nga na maraming mula Tsina ang nagtratrabaho sa POGO. Sa aksiyon ng DOJ
(Department of Justice) kanilang kinumpirma na may 372 Chinese na POGO workers ang maipapadeport base sa impormasyong natanggap nila mula sa Bureau of Immigration (BI). Tiyak na madaragdagan
pa ito sa mga susunod na araw.
Ang magandang balita: mas marami na ngayong nakapasok na Pinoy POGO workers. Ayon sa Association of Service Providers and POGOs (ASPAP), ito ay binubuo ng 16 Pagcor- Licensed POGOs at 68 service providers. Sa ngayon may mahigit sa 23 libong Pinoy workers at higit sa 17 libo naman ang Chinese. Kaya sabi nila…sa hiling noon na isara na ang POGO…marami ang umalma dahil masasagasaan din ang ating mga Pinoy workers. Dapat daw ay panatilihin na lamang ang malinis na operasyon dahil malaki ring ambag na kita ng bansa mula dito.
Pinaka-kontrobersiya kamakailan ay ang ulat na pinagbabawalan daw ng Tsina ang kanilang mga residents na pumunta sa Pilipinas lalo na sa mga POGO. Baka raw sila makidnap o kaya’y masangkot
sa mga paratang na illegal na POGO workers. Ang ulat ay isiniwalat ni Senate President Juan Miguel Zubiri. Pero sa mga huling lumabas na isyu…sinasabi naman ng Tsina sa pamamagitan ng kanilang
embahada dito na hindi totoo ang balita.
Ganyan kabilis ang paglipad at pagdapo ng mga balita sa ngayon. Kaya ang payo ng espasyong ito: huwag basta maniwala agad sa mga bali-balita. Hintayin ang dokumentadong ulat. Tama ang survey ng Pulse Asia na sa kanilang pinakahuling survey….siyam sa bawa’t sampung Pinoy ang nagsasabing talagang problema nga ang fake news ngayon. Adios mi amor, ciao, mabalos!
October 15, 2022
October 15, 2022
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024