“PONDONG P20.7M IBABALIK NG MGA OPISYAL NG BENGUET?”

Record-breaking ang Notice of Disallowance (NOD) na ipinataw kay Benguet governor Melchor Diclas at 16 pang mga opisyal. Naaktuhan ng Commission on Audit ang mga paglabag ng mga opisyal sa Revised Internal Rules and Regulations (RIRR) at Republic Act 9184 (General Procurements Act) kaugnay sa
P20.738M Amburayan-Boneng Provincial Road sa Kapangan, Benguet (Phase 2).

Ito na ang pinakamalaking proyektong pangimprastraktura sa Benguet, kundi man sa Cordillera Administrative Region (CAR), na binigwasan ng COA sa kabila ng mga bulto-bultong mga nauna nang kahalintulad na reklamo ukol sa mga pinaborang bibber sa mga patrabaho de gobyerno sa Rehiyon. Nabuking ng COA na sinang-ayunan pa rin ni Gov. Diclas, bilang ulo sa procurement process, ang rekumendasyon ng Bids and Awards Committee (BAC) upang ipanalo ang Balintugan Construction Services noong Oktubre 2020, sa kabila nang hindi umanong pagtangan sa mga panuntunan ng
deklarasyon ng failed bidding.

Una nang idineklara ng BAC na “failed bidders” ang dalawang bidders kasama na ang Balintugan Construction Services, at natira ang pangatlong kumpanya. Ngunit hindi maarok ng COA na sa kahuli-hulian ay ipinanalo pa ring ang ang nauna nang idineklarang “failed bidder” at ibinasura na lamang ang
naunang kwalipikadong kumpanya. Kung ano ang nag udyok sa BAC upang gawin ito’y, sila ang makapagsasabi sa COA.

Ngunit sa taumbayang nagmamatyag sa mga kahalintulad na pangyayari, isa lamang ang nasa isip—- may kababalaghan. Patunayan nilang mali ang karaniwang suspetsang may padulas na umikot.
Malaking pinagsisisihan rin kaya ngayon ni Gov. Diclas ang hindi masusing pagrepaso sa sinang-ayunang
rekomedasyon ng kanyang BAC?M aari namang iapela sa loob ng anim na buwan ang Notice of Disallowance.

Ngunit kung hindi kumbinsido ang COA, paano ang hatian nila Gov. Diclas at 16 pang opisyal sa
isasauling na P20.738M sa kaban ng bayan? Mayroon pa kayang mga Governor, Mayor at kagawad ng
kani-kanilang BAC sa Cordillera at iba pang rehiyon ang humaharap at haharap sa kahalintulad na suliranin kaugnay sa milyong kundi man bilyong asunto sa procurement process ng pamahalaan?
Marahil kapupulutan na ng aral ang record-breaking Notice of Disallowance ng Benguet.

Amianan Balita Ngayon