POSD enforcers hiniling huwag ng mag-momma

Metro BLISTT

LUNGSOD NG BAGUIO – Labing-anim na Public Order and Safety Division (POSD) enforcers ang sumang-ayon na tatanggalin na ang ugaling ngumuya ng “momma” bilang bahagi ng repormang itinatatag sa kanilang hanay.

Sinabi ni POSD Security Officer II Darryl Longid na ang POSD sa pamumuno ni Cyr Bagayao ay nagsagawa ng mga reporma upang higit na maprofessionalize at mapahusay ang organisasyon at kasama dito ang pagbabawal sa mga enforcer na ngumuya ng “momma” sa oras ng kanilang trabaho kabilang na ang isang oras na “break”.

“Hinihimok din naming ang mga apektadong team members na sama-samang alisin na ang ugali dahil ito ay isyu rin ng oral health,” ani Longid.

Sinabi niya na ito ay magsisilbing magandang halimbawa rin sa mga residente na pinagsisilbihan ng POSD na hindi lamang isinaalang-alang ang kalusugan kundi sa pagsunod din sa mga batas ng lungsod. Noong 2018 ay may panukalang ordinansa na ipinagbabawal ang pag-nguya ng momma at pagdura nito sa publiko ngunit hindi ito naisabatas.

Ganunpaman, ipinapatupad ng lungsod ang Ordinance No. 54 series of 1988 kung saan ipinagbabawal ang pagdura sa publiko. Ito ay pinalawig noong 2011 na hinihiling sa mga ngumunguya ng momma na gumamit ng sariling duraan.

Upang tulungan ang mga enforcer na makaagapay sa “withdrawal symptoms” at kalauna’y matanggal na ang hindi malusog na ugali ay kinuha ng POSD ang tulong ng City Health Services Office upang magbigay intervention programs kun saan sasailalim ang mga personnel sa counseling sessions at makakuha ng authorized supplements gaya ng nicotine pastillers o iba pa na inaprubahan ng mga doktor.

Sinabi ni Longid na naisaayos ng POSD sa Psychiatry Department ng Baguio General Hospital ang counseling sa pamamahala ng momma dependence na nakatakda ngayong buwan. Sasailalim din ang mga health workers sa orientation kung paano gamitin ang withdrawal aids upang makapagprescribe sila ng nicotine pastilles at iba pa.

Sinabi ni Longid na isa pang proyekto na gagawin ng POSD ay ang paggamit ng social media upang maisulong ang kanilang organisasyon, duties at accomplishments at magkaroon ng karagdagang pamamaraan sa mas mabilis na komunikasyon sa publiko.

 

APR-PIO/PMCJr.-ABN