Isiniwalat ng Benguet Electric Cooperative (Beneco) ang pagnanais nitong simulan ang isang prepaid metering system para sa mga konsumer sa Baguio at Benguet.
Paliwanag ni Beneco General Manager Gerardo Versoza, ang Prepaid Retail Electric Service (PRES) ay hindi sapilitan kundi isa itong dagdag na opsyon ng mga konsumer sa pagbabayad para sa kanilang kuryente maliban sa dati nang ginagamit na postpaid metering.
Ang prepaid metering ay magbibigay-daan sa mga kustomer na masubaybayan ang kanilang pagkunsumo ng kuryente, na nagpapahintulot sa kanila na ibadyet ang kanilang konsumo at gastos. Dito ay mauunang babayaran ang gagamiting kuryente ayon sa sariling badyet hanggang sa makunsumo ang halagang binayaran sa halip ng nakasanayan na buwang pagbabayad sa kung ano ang nakunsumo na.
Maaaring pumili sa dalawang pamamaraan ng paggamit sa prepaid metering. Una ay ang meter-based, isang offline reloading na gumagamit ng prepaid meter sa mga vending machine o remote vending centers para makapag-load. At pangalawa ang network-based o online na gumagamit naman ng computer at internet para sa pagsubaybay sa konsumo ng kuryente at pagbabayad nito.
Ayon kay Delfin Cachin, Beneco department manager, mainam ang prepaid metering sa mga kustomer na naghihigpit sa kanilang badyet dahil mas madaling kontrolin ang konsumo ng kuryente depende sa kanilang badyet.
Magandang opsyon ito sa mga kustomer na laging umaalis ng bahay. Mainam din ito para sa mga condominium at apartment dahil bago magamit ang kuryente ay kailangang bayaran muna ito.
Nauna nang nagsagawa ng survey ang Beneco sa mga sambahayan kaugnay ng prepaid metering. Lumabas sa resulta na 2,560 ang sang-ayon, 33,600 ang tutol at 348 naman ang mga nag-aalinlangan.
Ang PRES ay mauunang susubukan sa mga empleyado ng Beneco. MYSTICA CHER LAURETA, UC Intern / ABN
June 18, 2017
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024