PROJECT LAWA AT BINHI, PINAGTIBAY NG DSWD

BAGUIO CITY

Nagsagawa ng Technical Assistance Session at Monitoring para sa Project LAWA at BINHI ang Department of Social Welfare and Development – Cordillera Administrative Region (DSWD CAR) sa isang hotel sa Legarda noong Pebrero 26. Pinangunahan ito ni Social Assistance Service (SAS) Director Maria Isabel Lanada at ng Climate Change Adaptation and Mitigation – Risk Resiliency Program (CCAM-RRP) team mula sa Central Office. Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan at partner agencies.

Tinalakay ang pagpapalakas ng disaster risk reduction, pagkilala sa mga panganib sa kapaligiran, at pag-align ng mga estratehiya ayon sa mandato ng DSWD. Binanggit din ang seguridad sa pagkain at tubig, lalo na ang pag-iipon ng tubig tuwing La Niña bilang paghahanda sa El Niño. “Ang aming mandato ay wala dapat gutom at wala dapat
mahirap na mga pilipino” ani Lanada. Naglatag ng mga target upang mapabuti ang implementasyon ng programa. Ipinakita rin ang mga form para sa integrasyon ng climate resilience efforts sa kasalukuyang sistema.

Nagbigay ng update si CCAM Regional Focal Clarito B. Albing Jr. Tungkol sa progreso ng Project LAWA at BINHI sa rehiyon ng Cordillera. Ang Project LAWA at BINHI ay naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga komunidad na harapin ang epekto ng climate change sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga water reservoir at community
gardens. Sa kasalukuyan, ipinatutupad ito sa 405 lungsod at bayan sa 72 probinsya sa buong bansa, kabilang ang Cordillera Administrative Region.

Nakatakdang magsagawa ng follow-up assessment sa susunod na buwan upang suriin ang pagpapatupad ng mga napagkasunduang hakbang. Layunin nitong tiyakin na ang mga interbensyon ay tumutugon sa pangangailangan ng mga komunidad at epektibong nakakapagpababa ng panganib sa sakuna. Patuloy ang pagtutulungan ng DSWD, mga lokal na pamahalaan, at partner agencies para sa mas matibay na solusyon sa disaster preparedness at climate adaptation.

Ramil Abenoja/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon