Propesyonalisasyon ng transport system, ninanais ng PUVMP

Metro BLISTT

LUNGSOD NG BAGUIO – Layon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ang propesyonalisasyon ng transport sector ng bansa, ito ang briefing ng government transport at financing agencies sa may 500 stakeholders sa Baguio at Benguet.

Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board-National Capital Region regional director Zona Tamayo na ang modernization plan ay hindi lamang pagpapakilala sa mga bagong sasakyan kundi pagpapahusay din sa transport system upang masiguro na may masasakyan ang publiko sa pag-uwi, anumang oras araw o gabi.

“You used to operate on your own and when the employees go home after work, they can no longer get a ride. In PUV modernization, the members talk and when they learn the system, they will start to operate 24-hours because they will know that there are still passengers in the wee hours.

The fleet management system is learned in the process,” ani Tamayo sa isang PUVMP briefing sa multi-purpose hall ng city hall.

Sinabi niya na oorganisahin din ng PUVMP ang transport operators na magtrabaho bilang iisa. Ayon naman kay Darwin Tan ng operation division ng Office of Transportation Cooperatives sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) na ang PUVMP ay tinatawag ding industry consolidation dahil pagsasamahin ang maliliit na operators at drivers na bumuo ng isang kooperatiba o korporasyon.

Isang paraan ito para gawing propesyonal ang sistema, ani Tan. Sinabi niya na sa pagbuo ng juridical entities ay hindi na kailangang kasama sa isang ruta kundi maaaring magsama sa pagbuo ng isang grupo na makakasunod sa 15 inisyal na miyembro bilang requirement sa ilalim ng cooperative code o lima sa ilalim ng corporation code.

Bilang isang kooperatiba, basta isinasaad ng kanilang konstitusyon ay maaari silang pumasok sa ibang economic enterprises gaya ng pagtatayo ng gasoline station, isang transportation supply shop, batteries o auto supply.

Ang pagbuo ng isang kooperatiba ay magbibigay din sa kanila ng pagkakataon na makautang (loan) mula sa financing institution at makabili ng isang modernong PUV na makakatugon sa requirement ng modernization law, na makakatulong sa franchise owner na masigurong kikita ang PUV at mababayaran nito ang sarili, dagdag ni Tan.

Nitong Hunyo 2019 ayon kay Tan ay mayroon ng 906 transport cooperatives sa buong bansa. Bukas ang Landbank of the Philippines at Development Bank of the Philippines upang pagsilbihan ang mga kooperatiba na nangangailangan ng financing. Maliit lamang ang sisingiling interes ng dalawang bangko na nasa 6 porsiyento kada taon.

Samantala, iminungkahi ng mga namumuno ng Asin Hot Spring Transport Association sa Tuba, Benguet, at Itogon Transport Association na kapuwa dumaraan sa mabundok na daan, sakay ang mabibigat na produkto at pasahero na payagan silang gamitin ang kanilang luma ngunit maayos na sasakyan kung ang kaligtasan ay hinihiling sa ilalim ng modernasisasyon.

Matagal nang umiikot sa bansa ang PUV modernization caravan upang itaas ang kamalayan sa PUVMP ng gobyerno.

 

PNA/PMCJr.-ABN