PROSISYON NG MGA BAGYO

NAKAKABIGLA na nitong mga huling araw, walang puknat ang pagsungit ng panahon. Ang mga bagyo, hindi lang isa o dalawa. Sa loob ng anim na lingo, 8 bagyo ang nakidayo – isang bagay na ni minsan sa umiikling buhay, ay
ngayon lang naganap. Nitong huling mga araw, dalawang bagyo ang nagbubuntutan – Ofel at Pepito. Ang huli ay ngayon araw ng Linggo natin nararanasan ang paghagupit nito – isang bagay na sa mga nakaraang lingo ay hindi na bago at bumabago, bagkus ay palatandaan ng hindina mapapasubalian na tawag ng panahon.

Klimang nagbabago o sa Ingles, Climate Change. Isang dekada na rin tayo binigyang babala na ang ganitong
kababalaghan sa klima ay aasahang darating sa ating buhay. Dalawampung taon din nating kinabingihan na ang
ganitong uri at antas ng pagbabago sa ating klima, hindi lamang dito sa Pinas. Kundi sa buong kamunduhan. Hindi ba’t inulanng yelo ang disyerto ng Saudi Arabia? Hindi ba’t forest fire naman ang biglaang sumambulat sa mga kabundukan ng Alpians doon sa Europa, ganung tag-lamig?

Kalunos-lunos ang mga binayo ng mga bagyo, lalo na ang rehiyon ng Kabikulan, ang Isabela at Cagayan sa hilagang Luzon. Ang siste, hindi lamang isang banat, kundi mga hampas at hambalos, hindi lamang ng iisang bumibisita lang ng kakaibang panahon, kundi mismong prosisyon ng mga bagyong parang biglaang ginishing mula sa karagatan at
biglaan ding binaybay ang mga kapatagan at kabundukan upang ihasik ang lagim ng panahon. Kaya naman, kalunos-lunos ang mga larawan ng panananalasa sa mga lugar na binagtas ng mga bagyo.

Lungkot, siphayo, at panlulummo – ito ang mga damdaming pupukaw sa ating kamalayan habang pilit na inaalam ang lupit ng pananalasa. Oo nga’t at walang katuwaan o kasiyahan ang mararamdaman habang ang pagmasid ay paiinogin. Ngunit – at dito tayo nakiagos sa mga nabiktima ng bagyo. Gayong sila ay natuklapan ng bubong, gayong sila ay nawalan ng mga parete ng matatawag na silungan ng katawan, ayun ang mga tao – nakangiti kahit na pilit.

Ganito na nga siguro ang larawan ng Pilipinong hindi nagpapalupig sa hampas ng tadhana. Sa gitna ng
nakakadismayang pangyayari, nakukuha pa niyang guhitan ng ngiti ang mukhang hindi maikukubli ang dinaanang
kalamidad sa buhay. Dito natin masusukat, at hindi mapapantayan ang isang bagay na magbibigay dahilan kung bakit si Pinoy ay buo pa rin gayung sinakluban ng pagkasawi. Tatag ng loob at tibay ng dibdib. Iisa lang ang pinag-uugatan ng kanyang lakas: ang salitang pag-asa.

Dito natin biglang naaalala na ang buhay Pinoy ay isang umiinog na turumpo, anumang uri ng trahedya o komedya ang dadaan sa kanyang buhay. Ang kanyang pagbangon sa pagkakalulong sa kumonoy ay daglian at hindi mapipigilan. Babangon at tindig siyang muli. Iwawasiwas ang dumaang hirap. Ipapagpag ang nasaktang kalamnan at buong tuwid na tatayo ng walang bahid na pananakit. Mabuhay ang Pinoy na kahit sa pagwalis ng mga bagyo, kahit na sinadlak sa kadiliman, ay nakukuha pa ring ngumite at humalakhak, ang sumayaw sa indayog ng ulan, at namnamin ang bawat patak na galing sa kalangitan. Mabuhay Pinoy!

Amianan Balita Ngayon