Proteksyon ng buhay, lupa at karapatan, patuloy na hiling ng IPs sa Cordillera

LUNGSOD NG BAGUIO – Ang selebrasyon ng International Day of the World Indigenous Peoples sa Agosto 9 ay nais ng mga katutubong Cordilleran na magamit sa panawagan at iparating sa gobyerno na itigil ang karahasan at kriminalisasyon na nararanasan ng mga Indigenous Peoples (IPs) sa rehiyon na nagtatanggol sa kani-kanilang karapatan at pag-aari.
Ito ang inihayag ng mga namumuno sa mga grupo ng IPs sa isinagawang press conference ang Cordillera Peoples Alliance noong Agosto 6 sa Calajo Café and Restaurant para pag-usapan ang mga isyung kinakaharap ng mga Indigenous People sa Cordillera.
Ayon kay Cordillera Peoples Alliance (CPA) Secretary General Bestang Dekdekan, tumitindi ang mga paglabag sa mga karapatang pantao ng mga IP dito sa rehiyon at sa bansa at tuloy-tuloy ang militarisasyon sa Cordillera, hiningi na noon na paalisin ang mga militar sa rehiyon ngunit patuloy pa rin ang kanilang pagbalik sa mga komunidad ng Cordillera.
Nabanggit din ni Dekdekan ang pagpatay sa isang aktibista at ilang mga aktibistang kasama sa listahan ng Department of Justice proscription petition, isa sa mga sinasabing paglabag sa karapatang pantao.
Isa sa mga tagapagsalita na dumalo ay si Virgie Dammay ng Innabuyog-Alliance of Indigenous Women’s Organization in the Cordillera at miyembro ng Women Resist Tyranny ay nagpahayag ng pagkaalarma sa lumalalang lagay ng kababaihan sa komunidad.
Ayon naman kay Jill Carino ng Philippine Task Force for Indigenous Peoples Rights na kaya lamang lumalaban ang mga IPs ay dahil sa patuloy na pag-agaw at pag-abuso sa kanilang lupa at likas yaman.
Ang tema para sa World’s IP Day ay “Kaigoratan, pairtengen ti laban! Daga, biag ken karbengan, salakniban.”
Ilan sa mga aktibidad na isinagawa ay isang protesta sa Malcolm Square na dadaluhan ng mga human defenders sa Cordillera sa buong bansa at maging mga taga-ibang bansa at solidarity lunch sa Ibaloi Park sa Agosto 9. KHRISTELLE F. JOCSON, UC INTERN / ABN

Amianan Balita Ngayon