PUBLIC UTILITIES MONITORING PROGRAM AT TWG TUNGO SA PAGTITIPID?

Kamakailan ay pinahusay ng mga opisyal ng lungsod ng Baguio ang Ordinance No. 12 series of 2013 na nagtatag sa Public Utilities Monitoring Program para sa mga opisina ng gobyerno at mga gusali at magbibigay ng mga insentibo para sa episiyenteng paggamit at pagpapababa sa konsumo ng tubig at elektrisidad. Sa ilalim ng Ordinance No. 27, series of 2023 bilang pagtugon sa direktiba ng Department of Energy para sa sapilitang implementasyon ng enerhiya at mga pamamaraan sa pagtitipid sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan upang matupad ang kahit 10 porsiyento na tipid at mahigpit na implementasyon ng energy management program ng gobyerno, kaya itinatag ang Public Utilities Monitoring Program para sa pagtitipid ng tubig at kuryente sa mga tanggapan ng gobyerno at mga gusali sa lungsod.

Sakop ng nasabing programa ang lahat ng pampublikong mga opisina at mga gusali na pag-aari ng lokal na gobyerno at iba pang mga gusali ng gobyerno, kasama ang mga paaralan kung saan ang tubig at elektrisidad ay binabayaran ng lungsod. Inatasan ng nasabing ordinansa ang mga administrative officers ng bawat opisina/ahenisya/paaralan upang masiguro na ang mga hakbang sa pagtitipid o pagpapababa sa gastos sa konsumo ng elektrisidad bilang gayon, ngunit hindi limitado lamang sa kuryente;

patayin ang mga ilaw at iba pang kagamitan kapag hindi ginagamit, gumamit ng sinag ng araw upang magbigay liwanag sa mga lugar ng trabaho, palitan ang mga incandescent light bulbs ng light emitting diodes fluorescent lamps/bulbs, kontrolin ang paggamit ng mga air conditioning units, bumili ng energy saving office equipments at iwasang gumamit ng kuryente sa pagluluto ng pagkain, pagpapakulo ng tubig para sa kape/tsaa/iba pang mainit na inumin;

para naman sa tubig; gumamit ng eco-flush system sa mga toilet fixtures, paggamit ng gravity-water line system, paggamit ng rainwater harvesting facility at paggamit ng auto-shut off faucet; ilang diskarte/tips na maaaring gamitin; lubos na paglalagay ng natural na lighting at ventilation sa panahon ng pagdidisenyo ng alinmang proyektong gusali, ang mga desktop computers ay nakaprograma sa “sleep” kung hindi ito ginagamit sa lahat ng mga opisina, centralized na printing station, regular na maintenance check para sa posibleng tagas ng air conditioning system, regular na paglilinis ng inlet valves at paggamit ng rechargeable tools at equipment.

Ang mga administrative officers ng bawat opisina/ahensiya/paaralan ay gagawa ng buwanang report sa mga konsumo nila sa elektrisidad, tubig at internet na isusumite sa General Services Office (GSO). Ipinaguutos sa GSO na gumawa ng isang semi-annual report ng bawat opisina /gusali/paaralan na isusumite sa Technical Working Group na pagaaralan ang mga report at gumawa ng kaukulang mga rekomendasyon sa konseho ng lungsod at sa Mayor ng lungsod.

Ang TWG na nilikha ng ordinansa ay pamumunuan ng City General Services officer katuwang ang Chairperson of the City Council Committee on Public Utilities, Transportation and traffic Legislations bilang co-chairman habang ang mga miyembro nito ay ang City Building Official, City Environment and Parks Management officer (CEPMO), City treasurer, kinatawan mula sa education department, kinatawan mula sa interior and local government department, kinatawan mula sa energy department, kinatawan mula sa pribadong sektor at sino pang ibang miyembro na itatalaga ng City Mayor.

Ang puntiryang 10 porsiyentong kabawasan sa mga gastusin sa tubig at kuryente ng mga opisina ng lokal na gobyerno ay malaking bagay na kung susumahin ang milyonmilyong bayarin ng lungsod. Nakakalungkot isipin at tanggapin na sa loob ng isang dekada mula ng malikha ang ordinansa ay tila walang nabago bagkus ay lalong tumaas ang konsumo. Nakakalungkot ding isipin na walang naging “kusang palo” ang mga opisina/ahensiya sa pagtitipid na minimithi ng ordinansa.

Harinawa sa pagbuo ng TWG ng Public Utilities Monitoring Program ng lungsod ay mabawasan ang bayarin at konsumo sa tubig at kuryente. Gayundin, huwag din sanang pagmulan ng panibagong “isyu” ang TWG na ito. Dapat lamang na pangunahan ng lokal na gobyerno ang pagtitipid nang sa gayun ay mapapadaling mapasunod ang mamamayan at huwag humangga sa “monitoring” lamang.

DAY OF VALOR

ANYARE?

Amianan Balita Ngayon