Pulis salot, sinabon at binilad ni Digong!

Halos nagkulay-talong sa galit si Pangulong Duterte nang kanyang sabonin, kinusot saka binilad sa araw ang mahigit sa isandaang mga pulis na tinawag niyang mga “salot”. Yan ang mga tinatawag na scalawag men ng PNP base sa mga nagawa nilang kabalbalan sa lipunan. Sila na “pinagpala” diumano dahil sa pagmamalasakit sa kanila ni Pangulong Digong. Pero sila ngayon ang puntirya ng pangulo upang madisiplinahan dahil sa kanilang sariling kagagawan. Ang bagong “picture” nga ng de-kalawang na mga pulis ay mga “street sweepers” na lantarang naglilinis sa mga estero at lansangan. Sigaw ng madlang people ng Pinas at World – tama lang para magtanda sila! Sige, upakan natin, pards.

**********

Maraming pulis (mas nakararami) ang malinis ang record at tunay na alagad ng batas para sa bayan. Pero may mga palpak din. Kaya nang hinarap ni Pres. Duterte ang mga tiwaling parak na mga yan sa isang programa sa Malakanyang, deretsahang pinagmumura ng pangulo ang mga ito. Sinabi pa ni Digong na magtatalaga siya ng isang espesyal na team na siyang kokordon sa mga tiwali at kung sila’y magkamali, uutusan daw ni Digong na sila’y tepokin na lamang. Pati nga pamilya ng mga sinabong pulis ay may panawagan din si Digong: dapat ay tumulong silang baguhin ang kukote ng kanilang mga asawa o kapatid o anak na pulis dahil kung may mangyayari sa mga ito, ayaw daw ni Digong na ang mga pamilya nila ay dudulog sa kanya at magrereklamo ng human rights violations. Marami pang maaanghang na salita (di raw makain ng kahit gutom na unggoy) ang binitawan ni Digong sa okasyong yun. Ang malaking tanong ay: Bakit?

**********

May kasabihan: kapag puno na ang salup, kalusin. Kung pigtas na ang sinturon – bumili ng bago, este, puputok na ang bulkan. Pero sa pagputok ni Digong kamakailan sa harap ng mga “salot” diumanong mga lespo ay parang sinamahan pa ng Tornado! Kulang na lamang na pagsusuntokin niya ang mga kaharap. Nanigas ang mga bagang. Paano naman kasi pinagkakatiwalaan niya ang mga ito. Itinaas pa niya ang kanilang suweldo at marami pang mga benepisyo na wala sa ibang mga empleyado ng gobyerno. Marami nga naman ang nainggit sa mga otoridad sa ginagawa ng pangulo.  Kahit liblib na pook sa bansa, pupuntahan ng presidente ang mga pulis na namatay o nasugatan at binibigyan pa ng biyaya.  Ganon ang pagmamalasakit ng presidente sa kanila. Pero hindi yata nakuntento ang ilan sa mga miyembro ng kapulisan. Mas nasilaw pa rin sila sa kinang ng pera, yaman at pagmamalabis na humantong sa paggawa ng krimen. Ang masakit pa ay yung madadawit ka sa illegal na droga. Natural lang na mapupundi ang tiwala at timpi ng pangulo. Malaking kahihiyan sa kanya ang ginagawa ng ilang pulis na nasasangkot sa krimen at katiwalian kung kaya’t ganun na lamang ang kanyang galit. Hindi lang sa sinabon, pinatayo pa ang mga may-kalawang na pulis nang matagal (walong oras yata) sa labas ng Malakanyang habang may pulong pa si Digong.

*********

Tanong ulit: sa ginawang ito ni Digong sa mga tiwaling pulis, may maglalakas pa kaya ng apog na mangotong, mangholdap, mangidnap at maging kriminal at kurakot? Batid nila na galit ang pangulo sa kakurakutan, krimen lalo na sa droga. Kapag sinuway mo ito, para mo na ring sinikaran ang mukha ng pangulo, di ba? Abangan kung ano ang magiging bunga ng sabon at pagkuladang ginawa ni Digong. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon