Hindi pa tapos ang takdang araw ng COC Filing o pagpipila ng kandidatura ng mga taong gustong pumasok sa pulitika. Sa unang araw pa lamang ng pilahan….marami na ang dumagsang mga gustong pumalaot sa pulitika. At para sa kaalaman ng lahat…ang isang taong tapos ng mag-file ng kanyang kandidatura ay hindi pa kinokonsidera ng Comelec na “kandidato” hangga’t hindi nagsisismula ang “campaign period”. Sila ay mga “aspirante” pa lamang. At para sa lahat…dapat nating kilatising maigi ang maraming mukha ng pulitika: Unang mukha ng pulitika ay “serbisyo”.
Gustong manilbihan sa bayan. Simple ngunit malalim ang kahulugan. Tunay at wagas na paninilbihan sa bayan. May
nakikita silang dapat baguhin, ipagpatuloy o mareporma ang kasalukuyang kalakaran. Ito ang panahon na ating sinasariwa ang mga tambak na pangako ng mga nanunungkulan na hindi naman tinupad. Ganon din sa mga
pangakong natutupad na tinatamasa na natin. Kaya wagas sa puso amg kanilang malasakit o serbisyo sa bayan…dapat natin silang suportahan para sa hinaharap.
Ikalawang mukha ng pulitika ay ang maituturing na “kawalang malasakit” sa hinaharap ng bansa. Ito ang mga taong gusto lang maglaro o ginagawang laro ang pagpasok sa pulitika. Walang direksiyon sakaling manalo. Walang laman ang pangarap para sa bayan. Gusto lang pasukin ang larangang ito ng pulitika. Hindi taos sa kanilang puso ang “serbisyo” kundi pampalipas-oras lang. Gumastos man sila nang todo…parang balewala ang lugi sakaling matalo. Masaya na sila na isa siya sa mga napagpiliang kandidato noong eleksiyon.
Kuntento na sila na maipangangalandakan nilang sila ay tumakbo sa karera ng pulitika. Sapat na daw yon bilang pamana nila sa kanilang angkan. Ang mga katagang: “tumakbo ako kahit talo” ay isa ng munyumento para sa kanila
kahit ano pa ang puna ng madla. Tapik ng mga manunuri: dapat sa Cemelec pa lang …hindi na sila pinayagang
tumakbo. Ang kaso…hindi ganito ang sistema sa ating bansa. Lahat ay may karapatang pumasok sa pulitika…mapasino ka man. Mga botante na ang maninimbang. Ikatlong mukha-Pagsubok.
Ito naman ang isang mukha ng pulitika na kung baga sa pagkain ay gusto lang tumikim. May mga taong gustong pasukin ang pulitika dahil gusto nilang subukin ang kanilang kapalaran. Hindi masakit sa kanila ano man ang
kahihinatnan ng kanilang pagtakbo. Maaring siya ay naitulak lang ng angkan o kaibigan upang subukin ang
kapalaran sa linya ng pulitika. May mga taong ang pagkakaalam ay kaya niyang manilbihan kaya gustong subukan ang pulitika. Kaya niyang gawin ang ginagawa ng mga nakaupo.
Meron din silang mga plano na hindi maisagawa na maari lang matupad kung sila’y maluluklok. Ang pinakamaruming mukha ng pulitika ay kung ito ay ginagawa mo ng “negosyo”. Ito ang maituturing na karumal-dumal na ambisyon. May mga pumapasok sa pulitika na ang puntirya ay “magpayaman”. Inuuna ang kanilang bulsa
kaysa sa sinumpaang serbisyo sa bayan. Nang makatikim na ng grasya…nadisgrasya na ang kanyang mga pangako.
Habang may makukurakot, ngasab nang ngasab nang walang kabusugan. Kaya malayo pa halalan at marami pa tayong pagkakataon na mangilatis at manimbang kung sino ang susuportahan sa darating na panahon. Huwag
sayangin ang boto. Piliin ang tunay na maka-Diyos at maka-taong kandidato. Adios mi amor, ciao, mabalos
October 5, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024