“PULITIKO AT PULIS SA CAGAYAN VALLEY, MAY BASBAS SA MGA SUGALAN?”

 Hindi mamamayagpag ang iligal na gawain kung buo ang kapasyahan ang mga tagapagpatupad ng batas na sugpuin ito. Sa kabila ng ilang pasubali ng mga namumuno ng mga pamahalaang panlalawigan at pulisya sa buong Cagayan Valley region, walang patid ang pagpapasugal mula Cagayan hanggang Nueva Vizcaya. Ang “dice games” ni Jerry Melad sa Tuguegarao City, Cagayan ay nagpapatuloy kahit inuulan ng batikos ang mga nakaupong pulitiko sa syudad at papalit-palit na opisyal ng pulis dahil sa masamang dulot ng sugal sa mga residenteng nalululong dito.

 Walang puknat ang operasyon ni “Melad” dahil kamag-anak daw mismo ni PNP Cagayan Valley regional director Brig. Gen. Christopher C. Birung. Kamag-anak din ba ni “Melad” si Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que at Vice Mayor Bienvenido de Guzman kaya pinagbibigyan ang pagpapasugal sa kanilang nasasakupan? Ano naman ang rason kung bakit napagbibigyan din ang sugalan ni Elmo Balisi at Edmund Tamayao sa ibang lugar sa Tuguegarao City? Plano ba ng Tuguegarao City na mabansagang “mini casino capital” ng Cagayan Valley?

Sa karatig probinsya ng Isabela, mismo sa tapat at gate ng eskwelahan at tabi ng Barangay Hall ng Rosario, Santiago City, mayroong sugalan. Ang operator kaya nito ay mala “Melad” din na dahil kamag-anak ng pinakamataas na opisyal ng pulis sa Cagayan Valley ay pinapabayaan lang? Sa bayan ng Alicia, Isabela din, naghahari-harian naman ang gambling operator na si Maribel Tanchangco. Hindi kamag-anak ng Punong Lalawigan ng Isabela si Tanchangco, ngunit iwinawagayway nito ang kapit niya sa Punong Lalawigan ng Nueva Vizcaya. Mismo sa bayan ng Bagabag, Nueva Vizcaya, nakalatag din ang sugalan ni Tanchangco nang hindi ginagambala ng mga pulis dahil sa basbas ng kapit niya sa pamunuan ng probinsya.

Amianan Balita Ngayon