“Puot kontra mina sa Benguet”

Muling lumagablab ang puot ng mga Indigenous Peoples (IPs) ng Barangay Bulalacao, Mankayan, Benguet nang sumambulat sa kanila ang napabagong 25-taong Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng pamahalaang nasyunal at Crescent Mining Development Corporation.

Matagal nang nilalababan ng mga IPs sa lugar ang tangkang pagmimina ng CMDC sa kanilang lugar sa pangambang makakasira, imbes na makakatulong sa kanila ang pagmimina ng ginto ng dambuhalang kumpanya.

Sapagkat ano pa ang silbi ng nasabatas na Free Prior and Informed Consent (FPIC) sa mandato ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA), kung hindi naman sasailalim sa prosesong ito ang pagtatangka ng CMDC.

Sa kasamaang palad, naindorso na kase ng Mines and Geosciences Bureau ng DENR at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Cordillera ang renewal ng MPSA ng CMDC. Sa katunayan pa nga’y mismong iginawad na ng DENR
noong March 2, 2022 pa ang renewal ang MPSA ng CDMC.

Bagay na nagpapalakas loob naman sa CDMC na iarangkada na ang proseso ng pagkuha ng Certificate of Precondition (CP) sa kabila nang patuloy na paninindigan ng mga mamamayang kontrahin ito.

Ngunit sing tibay din ng ginto ang pagkontra ng mga IPs sa Bulalacao, Mankayan sa pagtatangka ng CMDC sa kanilang lupang ninuno. Mula pa nang unang magkaroon ng confirmatory drilling isang dekada na ang nakakaraan upang kumpirmahin ang yamang ginto sa ilalim ng lupa nila’y, walang patumangging nilabanan na nila ito.

Hindi naman kasi masisisi ang puot na nadarama ng mga IPs sa Benguet sa mga kahalintulad na tangkang pagmimina dahil sila’y mga buhay na patunay na sa kabila ng napakahabang panahon ng mga dambuhalang minahan sa iba’t ibang lugar sa probinsya’y nanatiling kakarampot lamang ang benepisyong nadarama nila.

Bukod pa’y ang pangambang matulad lang sila sa nga namina nang lugar sa probinsyang pagkatapos na mistulang na-rape ang mga bundok at gubat, ay iniwanang tila isang lusyang na dalagang nilapastanganan ng ganid dahil sa salapi.

Amianan Balita Ngayon