Pusher sugatan sa drug bust encounter

Sugatan ang isang drug personality na tinaguriang High Value Individual (HVI) sa naganap na drug-bust operation noong Huwebes sa may Barangay San Vicente, siyudad na ito. Nabatid kay Police Colonel Allen Rae Co, city director ng Baguio City Police Office, na ang suspek na si Jeffrey Tolentino, 36, alyas Epoy ay nasa talaan ng Police Regional Office-Cordillera bilang No.8 Top Most Drug Personalities ng rehiyon.
Ayon kay Co, ang mga tauhan ng Drug Enforcement Unit sa pamumuno ni Police Capt. Julius Basinga ay nagsagawa ng buy-bust operation dakong alas 11:00 ng umaga, habang ang suspek na sakay Black Toyota Conquest Hilux na may plakang CAN-5369. Ibinenta nito ang isang plastic sachet na naglalaman ng 1 gramo ng shabu na may halagang P3,500 sa nagpanggap na buyer at siya ay dadakpin na ay nagtangka itong tumakas at pinaputukan ng baril ang mga operatiba.
Agad ding gumanti ng putok ng baril ang mga pulis sa papalayong sasakyan hanggang sa mabangga nito ang isang taksi at trak, bago ito bumalandra sa gilid ng kalsada. Nang lapitan ng mga pulis ay nakita ang suspek na nagtamo ng sugat sa hita at agad na nagresponde ang Baguio City Emergency and Medical Service na agad binigyan ng first aid ang sugat ng suspek at saka dinala sa Baguio General Hospital.
Sa impormasyon, si Epoy ay kanang-kamay umano ng sumukong drug trader kamakailan na si Abdul Fabrigas Abdullah at ang ginagamit nitong sasakyan ay naka-rehistro sa nagngangalang Almar Sibul Unabia, ayon sa beripikasyon ng Land Transportation Office.
Si Abdullah, 28, ay sumuko sa pulisya noong Hunyo 28, matapos ang tatlong araw na manhunt operation kaugnay sa pakikipag-barilan nito sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa may Upper Malvar St, Baguio City.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon