Puto ng Calasiao, pasok na sa Guinness World Record

CALASIAO, Pangasinan   – Opisyal nang hawak ng bayan ng Calasiao ang Guinness World Records para sa Largest Rice Cake Mosaic, isang taon matapos ang pagtatangka ng bayan noong 2017.
Ito ay masayang ibinalita ni Mayor Joseph Arman Bauzon, na nasungkit ng bayan ang rekord mula sa 64-square-meter rice cake mosaic ng Japan, sa naganap na street party noong gabi ng Linggo (Disyembre 16) sa pagtatapos ng Puto Festival 2018.
Noong Disyembre 8,2017, ang mga opisyal ng bayan kasama ang mga mamamayan nito ay bumuo ng 209.37-square-meter rice cake mosaic bilang entry sa Guinness World Records.
Sinabi ni Engr. Melanio De Vera, designate tourism officer, noong Lunes na ang mosaic ay gawa sa tinatayang 300,000 na malilit na puto, na pangunahin at pinakasikat na produkto ng kanilang bayan at gawa ng mga lokal na magpuputo.
“When we heard the news, everybody was jubilant. It was the fruit of everyone’s labor and we hope this would even more uplift our town’s famous product puto,” aniya.
Dagdag pa ni De Vera, ito ang unang pagkakataon na sinubukan ng Calasiao na makapasok sa Guinness World Records kaya masayang-masaya silang nagtagumpay ito.
H.AUSTRIA, PNA/ABN

Amianan Balita Ngayon