QR codes, tulong ba o panganib

Editorial

Ang mga QR codes ay nasa lahat na ng lugar, makikitang nakaimprenta ang mga ito sa halos lahat ng bagay na binibili mo, sa mga business cards, kasama sa mga presentasyon sa mga kumperensiya, makikita mo rin ang mga ito na nakapinta sa mga gusali.

Makikita mo rin ang itim at puting mga kuwadradong ito sa labas ng inyong paboritong restaurant, o sa reception area ng iyong fitness gym. Hindi na bago ang teknolohiyang ito dahil ang barcodes na ito ginagamit na noon pang 1994, subalit ito ay mas mahalaga na kaysa noon.

Ang QR code o Quick Response Codes ay mga kuwadradong barcodes (two-dimensional barcodes) na unang ginawa at ginamit sa Japan na dinebelop ng Denso Corporation, isang kompanya ng Hapon.

Gaya ng alinmang barcode, ang isang QR code ay isang paraan lamang upang pag-imbakan ng impormasyon sa isang machinereadable optical label. Ang datos na nilalaman ng isang QR code ay maaaring mula simpleng text, sa mga email address (personal o negosyo) hanggang sa mga numero ng telepono, URL websites, Links sa mga app, Payments ( maaaring maimbak ng QR codes ang mga impormasyon tungkol sa iyong bank account o credit card) at iba pa.

Sa madaling salita ay kayang maimbak sa QR code ang maraming iba’t-ibang uri ng impormasyon na sa isang QR code ay kayang itago ag hanggang 4,000 characters.

Upang makatulong na imonitor ang pagkalat ng coronavirus ay kasalukuyang sumasandal din ang gobyerno sa QR codes upang matunton ang mga lugar na nasa ‘high risk’. At dahil sa pandemya at mga restriksiyon sa social distancing ay nakakatulong ang QR codes upang mamonitor ang mga bilang ng tao na nasa mga pampublikong lugar.

Dito sa lungsod ng Baguio ay inilunsad ang programang Baguio In My Pocket (BIMP) kasama ang apps provider na Information Technology Business Solutions (ITBS) Corporation na layong isulong ang e-government ecosystem kabilang ang cashless payment transactions, citizen data management, contact tracing at iba pang mahahalagang serbisyo para sa mga lokal na residente ng Baguio.

Gagamitin din ito upang maayos ang pagpili ng vaccine roll out ar mapagaan ang proseso ng pagbabakuna kung saan magiging prayoridad ang mga may QR code sa bakuna gayundin hindi makakapasok sa city hall ng Baguio ang wala nito.

Ngunit marami rin ang atubili sa teknolohiyang ito dahil hindi raw ito ligtas sa katotohanang sinuman ay maaaring lumikha ng isang QR code at may kayang pumunta sa alinmang online destination na gusto nila kunbg saan mayroong pagkakataon at paraan para sa mga scammer na magsamantala sa teknolohiya.

At dahil mahahalaga at personal na mga impormasyon ang maaaring makuha dito ay nanganganib ang mayroon nito na mabiktima ng panloloko at pangamba pa ng iba ay banta rin sa personal na seguridad dahil maaari itong gamitin sa paniniktik – na mainit na isyu ngayon.

Dahil kailangan nating mamuhay sa bagong normal at ang teknolohiyang ito ay isa lamang sa mga paraan at marahil ay naangkop na paraan upang makatulong na mapahusay ang pagtugon ng gobyerno sa pandemya kung saan hindi pa matiyak kung kailan matatapos ay mainam na ring yakapin ng tao kahit pa may pangamba.

Ngunit upang mawala ang hinala at agam-agam ng marami na hindi ito magagamit o gagamitin ng gobyerno sa anumang paniniktik at maging ligtas sa masasamang pagtatangka ng ilang tao, dapat tiyakin at patunayan ng gobyerno na ito ay para lamang sa pagsugpo sa COVID-19 at pagsulong ng ekonomiya at wala ng iba.