RCEP – kailangan ba natin ngayon?

Editorial

Ang Pilipinas, Indonesia, Thailand, Singapore, Malaysia, Vietnam, Cambodia, Laos, Myanmar, and Brunei—at trading partners na China, Japan, South Korea, Australia, at New Zealand—ay lumagda sa isang multilateral trade pact noong Nobyembre 15, 2020, sa pag-asang muling buhayin ang kanilang mga ekonomiya kasunod ng pamiminsala ng COVID-19.

Ang usapin sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ay unang ginawa noong 2012. Ang kasunduan ay nakahanda nang apektuhan ngayon ang nasa 2.1 bilyon tao na katumbas ng nasa 30% ng pandaigdigang gross domestic product.

Ang RCEP ay isang kasunduan sa pagitan ng mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) at free trade agreement (FTA) partners nito.

Layon ng RCEP na lumikha ng isang pinagsama-samang merkado sa 16 na bansa, na gagawing mas madali para sa mga produkto at serbisyo ng bawat isa sa mga bansang ito na maging handa sa kabuuan ng rehiyon.

Layon ng kasunduan na saklawin ang pangangalakal sa mga produkto at serbisyo, intellectual property, pamumuhunan, pag-aayos sa di-pagkakasundo, e-commerce, small medium enterprises, at kooperasyon sa ekonomiya. Intensiyon din ng kasunduan na bawasan ang taripa at red tape.

Kasama dito ang pinagkaisang patakaran ng pinagmulan sa buong grupo, na maaaring pagaanin ang supply chains at kalakalan sa loob ng rehiyon. Ipinagbabawal din ang ilang mga taripa at hindi ito nakatutok sa mga labor union, proteksiyon sa kapaligiran, o mga subsidiya ng gobyerno.

Itinutulak ng mga ahensiya ng gobyerno gaya ng NEDA, DA at DTI ang ratipikasyon ng Senado sa RCEP Agreement at binigyan-diin na ang mahalagang kasunduan sa pangangalakal ay mabebenipisyuhan ang maraming sektor sa ekonomiya, kasama ang maliliit na mga negosyo at sektor ng agrikultura.

Hindi lamang daw mabibigyan ng mas malaking access sa merkado ang bansa kundi mas magiging kaaya-aya din daw ito para sa mga pamumuhunan.

Nanawagan din ang mga ahensiya sa sektor ng agrikultura ng bigyan ng pagkakataon ang RCEP na gumana, habang sinisiguro sa kanila na mabebenipisyuhan sila sa paraang napalawak na mga oportunidad para sa merkado at palaki ng kita. Nagbabala rin sila na sa pagtutol sa RCEP ay mapapalampas ang mga pagkakataon sa pandaigdigang kasunduan sa pangangalakal.

Sinusuportahan din ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang nasabing kasunduan. Nagpahayag naman ilang grupo ng mga magsasaka, civil society organizations, at pribadong sektor ng pagtutol at oposisyon sa ratipikasyon ng pinakamalaking free trade agreement sa mundo na RCEP.

Ang kasunduan sa RCEP kabilang ang legal na konteksto daw nito at ang schedule ng commitment ng Pilipinas ay isinapinal na hindi kinokonsulta ang mga magsasaka at iba pang stakeholders na marami sa kanila ay apektado ng tuntunin at mga konsesyon ng tratado.

Nakikita ng mga tutol sa RCEP na isa itong hindi makatuwiran na kasunduan dahil dagdag pahirap ito sa panahon ng isang pandemya.Sinabi nila na sa kasunduan ay magkakaroon ng isang putol na modelo ng ekonomiya na kinakailangang magbago ng malaki pabor sa isa na mas matatag.

Ang free trade ay laging isang bagay na kontrobersiyal, dahil ang mga pangako ay maaaring lumikha o magbunyag ng mga di pagkakapantay-pantay na umiiral sa mga kalahok na bansa.

Nagbabala rin sila na mararanasan ng mga bansa sa ASEAN ang pagtaas ng mga import at pagbagsak ng mga export sa kasagsagan ng RCEP Habang pinupuri ng mga lumagda ang kasunduang pinangunahan ng China ay nananatili ang pag-aalinlangan ng ilang tagamasid sa epekto nito.

Bukod pa diyan, ang pagkawala ng India sa kasunduan ay isang pulang bandila para sa marami. Mahigpit na nakatutok din ang Estados Unidos sa kung ano ang nakalaan sa isang kasunduan na magbibigay sa kaniyang karibal na China, ng isang mas mahigpit na kapit sa umuunlad na rehiyon.

Magsasara na ang ika-18 Kongreso na hindi naratipika ang RCEP at sinabi ng susunod na Pangulong si Bongbong Marcos na kailangan pang pag-aralang mabuti ang RCEP bago sumuong ang bansa sa kasunduan.

Wala namang pagmamadali sa pagsali a RCEP agad-agad at maaari namang sumama ang bansa sa hinaharap, kung lubos na anting naiintindihan ang mga posibleng resulta at nakahanda na gamitin ang pagiging miyembro sa RCEP na papabor sa atin.

Ang kalakalan ay hindi isang karerahan ng mga bansa sa isang hangganan, ang kalakalan ay isa lamang pamamaraan upang maiangat ang pamumuhay ng mga tao.

Kailangan mag-ingat ang gobyerno at magkaroon ng deliberasyon upang maihatid ng mga kasunduan sa kalakalan ang mga pangako nito habang binabawasan ang pinsala sa mga mahihinang sektor ng lipunan.