LA TRINIDAD, BENGUET – Nahuli sa Narvacan, Ilocos Sur noong nakaraang linggo ang isang rebeldeng miyembro ng New Peoples Army na sangkot sa ambush ng Philippine Army sa Kin Lourdes, Barangay Namitpit, Quirino, Ilocos Sur noong Pebrero 26, 2015 kung saan napatay ang limang sundalo at anim ang sugatan.
Nahuli ng Cordillera police si Antonio Agustin Tabling, 36, tubong Baclingayan sa Tubo, Abra, noong Hulyo 3, 2018.
Inihabla si Tabling sa kasong murder at frustrated murder nang iambush nito at kaniyang mga kasamahan na sina Franie Padaoil, Joven Lamadao Cayasen, at Ricky Tinong Taki na lahat ay mula Brgy. Amtuangan, Tubo, Abra; Mortar Sadaoan mula Brgy. Tabacda, Tubo, Abra; Gamas-ao Macario ng Tubo, Abra; at Dexter Capuyan mula La Trinidad, Benguet; ang mga sundalo ng Philippine Army 81st Infantry Battalion at napatay sina Privates First Class Charlender Ramos ng Tayabo San Jose City, Nueva Ecija; Jumarc Villanueva ng Fort Magsaysay, Nueva Ecija; Gil Ocampo ng Nueva Ecija; at Corporals Janji Dela Cruz mula Cabanatuan City, Nueva Ecija at Elmer Lacandile ng Zambales.
Ang mga nasugatan sa nasabing ambush ay sina Lt. Jerome Yosures ng Labangan, Zamboanga del Sur; Privates First Class Lester King Ancheta ng Aurora, Aurora; Jason Gongora ng Alicia, Isabela; Danilo Pascua ng Cayapa, Nueva Vizcaya; Rolando Olipas ng Guimba, Nueva Ecija; at Alvin Mariñas mula Sta. Rita, Cabangan, Zambales.
Ang convoy ng mga sundalo kasama ang ibang pulis mula sa Ilocos Regional Public Safety Battalion 1 (RPSBI) at Ilocos Sur Provincial Public Safety Company (ISPPSC) ay nagmula sa Patungcaleo, Quirino bandang 7:20pm nang paputukan sila ng grupo ni Tabing.
Si Tabing, na naiulat na nasa ilalim ng CPP-NPA Kilusang Larangan Gerilya na may codename na “Montes” ay nakabase sa borderss ng Ilocos Sur-Mt. Province, kasama ang kaniyang grupo ay nahaharap sa 5 counts ng murder at 6 counts ng frustrated murder at marami pang pagpatay; sa korte ng Ilocos Sur.
Isang linggo bago ang ambush noong Pebrero 26, tatlong taon ang nakalipas, sinunog ng mga rebeldeng NPA ang mga kagamitan ng South Ocean Mining Corporation sa Sitio Sinagaban, Patuncaleo, Quirino.
Kulang isang taon matapos ang mga pag-atake, sinunog din ng mga rebelde ang drilling machine ng isang US mine firm sa Freeport Mc-Moran Phelps Dodge Mining Company sa Barangay Patiacan, Quirino. A.ALEGRE
July 13, 2018
July 13, 2018