Region 1 umaasang makamit ang Presidential Award

LUNGSOD NG SAN FERNANDO – Umaasa ang dalawang lokal na pamahalaan sa Rehiyong Ilocos na makamit ang 2018 Presidential Award for Child-Friendly Municipalities and Cities (PACFMC). Ang Presidential Award ay iginagawad sa mga karapatdapat na lokal na pamahalaan bilang pagkilala sa kanilang mahalagang bahagi sa promosyon ng mga karapatang pambata at pagpapatupad ng child-friendly governance.
Ayon kay Regional Committee for the Welfare of Children (RCWC) technical support staff Mark Alison N. Follosco, ang bayan ng Santo Tomas sa La Union at lungsod ng Dagupan sa Pangasinan ay national finalists sa kategoryang 4th-6th class at independent component city. Aniya, ang dalawang lokal na pamahalaan na nabanggit ay naideklarang regional winners pagkatapos ng 2018 Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA) kung kaya sila ay lalaban sa national level.
Tatlong validators mula sa National Awards Committee ang bumisita na sa Santo Tomas noong Mayo para sa isang field visit samantalang ang pagbisita naman sa Dagupan ay nakatakda mula Agosto 12 hanggang 16.
Hangad ni Follosco na mananalo ang dalawang pambato ng Presidential Award. Noong 2018, nanalo sa unang pagkakataon ang Dagupan sa 2017 PACFMC sa pareho din na kategorya.
Ang lungsod naman ng Vigan sa Ilocos Sur ay nagawaran na ng Hall of Fame Award sa kategoryang component city dahil sa kanilang pagkapanalo sa national level ng tatlong magkakasunod na taon mula 2009 hanggang 2011. Ang pagkilala sa national winners para sa 2018 PACFMC ay magaganap sa Disyembre kung saan inaasahang dadaluhan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ang taunang kompetisyon ay pinapangunahan ng Council for the Welfare of Children at alinsunod sa Executive Order No. 184 na inilabas noong Disyembre 13, 1999.
 
JNPD/PIA-1/ABN

Amianan Balita Ngayon