Regional drug personality natiklo sa Benguet

Provincial

LA TRINIDAD, Benguet – Natiklo ang isang minero na naitala bilang isa sa Top Ten Regional Drug Personality sa pagiging drug pusher nito sa isinagawang anti-illegal drug operation ng mga tauhan ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office-Cordillera sa Virac, Itogon Benguet.

Sinabi ni Colonel Elmer Ragay, chief RID, na may kabuuang 3.5 gramo ng shabu na may halagang P23,800 ang nakumpiska sa suspek na si Winden Pimentel Baggay,29, alyas Baggay, construction worker/miner ng Skyview, Virac, Itogon, Benguet.

Ayon kay Ragay, matagal na sinusubaybayan ng kanyang mga tauhan sa pagbebenta nito ng droga hanggang sa kagatin nito ang transaksyon na isinagawa ng mga undercover operative na nagsilbing poseur buyer.

Ibinenta umano ni Baggay ang isang plastic sachet ng shabu na may timbang na 2 grams sa halagang P13,600.00 sa poseur buyer.

Bukod dito ay nakuha ng pulisya sa possession nito ang isa pang plastic sachet ng shabu na may timbang na 1.5 gramo na may halagang P10,200.00, kabilang ang buy-bust money at touchscreen cellphone.

Samantala, mahigit sa P71,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang mekaniko na natala bilang High Value Individual (HVI) na nadakip sa buybust operation na sinagawa ng mga tauhan ng PDEU/PIU–Benguet, Benguet PPO, La Trinidad MPS,RPDEU/RID PROCOR, PDEGSOU-COR and PDEA Benguet sa Barangay Betag, LaTrinidad, Benguet.

Kinilala ang nadakip na si Jefferson Pinas Garcia, 25, alyas aka “Kusil”, mechanic, ng La Trinidad, Benguet.

Si Kusil na sideline ang pagbebenta ng droga ay nagbenta ng 5.54 gramo ng shabu na may halagang P37, 672.00 sa undercover agent.

Narekober pa sa possession nito ang isang plastic sachet na 5 gramo ng shabu na may halagang P34,000.00 at buy-bust money.

Hindi rin nakalusot ang isang karpintero sa pagiging drug pusher matapos mabitag sa buybust operation sa Outlook Drive, Baguio City,noong Hunyo 23.

Ayon kay Ragay, ang nadakip na si Leonides Sandoval Briones, 40, alyas Leo, ng Cabinet Hill, Baguio City ay nagbenta ng dalawang plastic sachets ng shabu na may timbang na 2 gramo sa halagang P13, 600.00.

Zaldy Comanda/ABN