Renewable energy handog ng Beneco sa 2019

Sa pagnanais ng Benguet Electric Cooperative (Beneco), ang nag-iisang power distribution utility sa Baguio at Benguet na pababain ang cost of power sa P4 kada kilowatt hour ay papasukin nito ang bagong power generation.
Sinabi ni Atty. Delmar Carino, department manager for institutional services ng Beneco, na ang unang renewable energy generation facility ng kooperatiba ay inaasahanag uumpisahan ang operasyon sa Enero 2019.
Ang nasabing power generation ay nasa Man-asok, Baculongan Sur, Buguias sa probinsiya ng Benguet.
Kabilang sa civil works ng proyekto ay ang access road at embankment upang maging madali ang pagbibiyahe ng mga equipment para sa power plant. Magkakaroon ito ng producing capacity na 3 megawatts bawat araw.
Sa unang 12 taon ng operasyon ay ibebenta ng Beneco sa P5.44 per kilowatt hour (kwh) sa sarili nito at ang halagang maiipon ay gagamitin sa pagbabayad sa P455milyon na utang nito sa Development Bank of The Philippines (DBP).
Sa ika-13 taon ng operasyon ay maaari nang ibaba ng Beneco ang halaga sa P1.55 per kwh sa sarili nito at maipapasa rin sa mas mababang presyo sa mga consumer, bilang isang non-stock, non-profit cooperative na pag-aari ng member-consumers.
Ayon kay Carino ang Beneco ay may araw-araw na demand na 70 megawatts per day na supply ng isang coal power producer sa Baguio at Benguet.
Sa kasalukuyan ay binibili ng Beneco ang kuryente sa P4 per kwh o mas mataas pa.
Ipinaliwanag ni Carino na kung sa ngayon ay nagbabayad ang Beneco ng P280,000 para sa 70 MW power mula TeaM Energy Power Corporation, at sariling produksiyon nitong 3MW ay magbabayad lamang ito ng P268,000 o makakaipon ng P12,000 bawat araw. Ang P360,000 na ipon sa isang buwan ay maaari nang ipasa sa mga consumer sa uri ng reduced rate.
Sinabi ni Carino na ang 3 MW na power ay kayang mag-suplay ng elektrisidad sa mga bayan ng Buguias at Mankayan.
Nagmumula sa Buguias ang maraming highland vegetables mula sa Cordillera habang nasa Mankayan naman ang Lepanto Mines.
Sinabi ni Carino na sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), ay hinihikayat ang mga distribution utilities na pumasok sa power generation bilang paraan ng pagpapababa sa generation cost na ipinapasa sa mga consumer. LIZA AGOOT, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon