RESBAKUNA – huwag naman sanang tayo ang reresbakan

Editorial

Ang pagbili at pamamahagi ng mga bakuna ay nagbibigay sa bansa ng isang karagdagang linya ng depensa at proteksiyon laban sa COVID-19 sa ibabaw ng mga public health measures o interventions gaya ng social distancing, pagsusuot ng face mask at face shields at paghuhugas ng mga kamay. Panlahatang paglalaan ng mga bakuna alinsunod sa fair allocation framework ng World Health Organization (WHO) ay mahalaga para mapigilan ang malubhang sakit at pagkamatay mula sa COVID-19, pagbubukas sa ekonomiya na masinsinan, nasisiguro ang isang matatag na pagbangon at pagbabalik sa mga trabaho at kita.

Subalit may limitadong COVAX facility mula WHO dahil nanigurado na ang mga mayayamang bansa at nauna nang nakakuha ng malaking bahagi ng pang-buong mundo na suplay ng bakuna habang ang mga mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas ay nagkukumahog na makabili na kailangan pang mangutang ng napakalaking halaga makakuha lamang ng kakarampot. Dahil sa minadali ang pagtuklas at paggawa ng bakuna kontra COVID-19 ay wala pang pang-commercial na benta kaya ginagamit lang ng mga bansa ang Emergency Use Authority (EUA) upang makakuha ng suplay ng bakuna.

Gayunman ay may nakuhang kaunting bakuna ang gobyerno at salamat sa donasyon ng bansang China at naumpisahang bakunahan ang maliit pang porsiyento ng mga health workers sa buong bansa. Sa pagkakaroon ng bakuna ay inilunsad ng Department of Health ang adbokasya nito na “Nandito na RESBAKUNA kasanggang BIDA”, bakuna bilang “kasangga”, bakuna bilang partner o karagdagang suporta ng kampanyang BIDA, na ibig sabihin ay “Bawal ang walang face mask at face shield; I- sanitize ang kamay at iwasan ang kulob na lugar; Dumistansya ng isang metro at limitahan ang pisikal na interaksyon sa iba, at Alamin ang tama at totoong impormasyon”. Samantala ang “resbak” ay salitang kanto na ibig sabihin ay babalikan at paghihigantian ang isang nakalaban – sa sitwasyong ito ay ang COVID-19 ang reresbakan.

Ang sarap pakinggan na may resbak na tayo sa COVID-19, pero mangyayari kaya ang tunay na resbak? Sa sitwasyon natin ngayon kung saan isang taon na tayong nakikipagpatintero sa virus ay hindi pa o wala pang linaw kung nakaaangat na nga tayo sa laban. Hindi pa nauumpisahan ang pagbabakuna sa target na bilang ng mga Pilipino ay muling nangyayari ang biglang pagdami ng mga kaso ng VOCID-19.

Nakakapagtala ng lubhang mataas na bilang impeksiyon sa araw-araw na ikinalarma at ikinababahala ng mga eksperto sa kalusugan at nagbabantay sa kaganapan. Pangamba ng OCTA Research na sa pagtaya nila ay baka umabot sa 18,000 hanggang 20,000 kaso bawat araw sa mga darating na buwan kung hindi ito mapigilan.

Katunayan ay umaabot na sa 5,000 hanggang 7,000 libo na kaso ang naitatala sa araw-araw. Kapag nangyari ito ay pinangangambahang maulit ang panghihina ng health system natin ng nakaraan na kung saan naging kritikal ang kapasidad ng mga ospital at health facilities gayundin ang pagkahapo ng mga doctor at health workers na humantong pa sa paghingi nila ng “time out”.

Dagdag pa dito ang mas mahigpit na mga restriksiyon na muling magpapatigil sa unti-unti nang umuusad na galaw sa negosyo at ekonomiya. Sa ngayon ay naghigpit na ang ilang mga lugar na may mga biglang pagdami ng mga kaso lalo na sa National Capital Region (NCR) pati na sa Cordillera Region at Baguio City.

Nagmamadali ang buong mundo na mabakunahan ang bawat mamamayan, sa Pilipinas ay binabatikos at tinutuligsa pa ang tila daw mabagal na pagbili ng gobyerno ng mga bakuna gayong bilyon-bilyon piso na ang inutang at nakalaan para dito.

Ngunit sa kabilang banda, kailangan ba talaga tayong magmadali sa pagbabakuna gayong wala ni isang bakuna ang may 100 porsiyentong epektibo laban sa COVID-19? Isa sa dahilan kung bakit atubili ang mga tao at mababa ang antas ng pagtanggap sa mga bakuna ay dahil karamihan dito ay mababa ang efficacy rate, at mga ulat ng mga malalang side effect sa mga nabakunahan at ilang pagkamatay sa ibang bansa kaya may agam-agam kung kaya ba talaga ng mga bakuna ang virus.

Hindi pa malalaman kung lubos ngang epektibo ang mga bakuna dito sa Pilipinas dahil iilan pa lamang at pawang mga health workers ang nababakunahan at habang wala pang katiyakan kung magagapi na nga ang unang variant ng COVID-19 ay umaatake naman ang ilang bagong variant, gaya ng UK variant, South African variant, Brazilian variant at ang pinakahuli ay ang tinawag na P3 o Philippine variant. Lahat ng ito ay itinuturing na mas mapanganib at mas mabilis makahawa at hindi rin matiyak kung ang mga bakunang nagawa na ay kayang kontrahin ang unang variant.

Baka sa ating kamamadali sa pagbabakuna gayong di pa napupuksa ang unang variant at sa pag-atake ng mga bagong variant ay baka malagay tayo sa lubhang malalang kalagayan kung saan sa halip na tayo ang reresbak ay tayo pala ang reresbakan. Ngunit sa kabilang banda, sabi nga nila mas mainam na ang may panlaban kahit paano – kahit pa gumastos ng napakalaking halaga.