Respetuhin natin ang batas, ngunit tuloy pa rin ang laban

Sino ba naman ang hindi malulungkot at madidismaya (maliban na lang siguro ang mga taong nakinabang at makikinabang pa) sa pagbasura ng Baguio City Prosecutor’s Office sa kasong ipinila ng pamahalaang lungsod ng Baguio na ikinatawan ni Mayor Benjamin B. Magalong laban sa mga may-ari at opisyal ng Gateluck Corporation dahil sa paglabag sa Sections 226, paragraphs c (1) at c (8) ng City Ordinance no. 18 series of 2016 o ang Environment Code of Baguio City.
Nag-ugat ang kaso sa pagkakadiskubre ng City Environment and Parks Management Office (CEPMO) noong Hulyo 16, 2019 sa biglaang pagkamatay ng 45 Benguet pine trees sa isang bakanteng lote sa Legarda Road na pag-aari ng Gateluck kung saan idinulog ito kay Mayor Magalong na agad namang nag-utos ng isang inspeksiyon at pagsisiyasat sa nasabing insidente.
Napag-alaman ng CEPMO at mga kinatawan ng DENR na binutasan ang mga puno at may inilagay na nakakalasong likido na ayon sa kanila ay naging sanhi ng biglaang pagkamatay ng mga punong-kahoy.Naging viral at pinagpiyestahan sa social media ang nasabing pangyayari. Bumuhos ang pagkondena at batikos nga mga tao lalo na ang mga grupong makakalikasan.
Personal na ininspeksiyon ni Mayor Magalong ang mga punong-kahoy at nakita niya mismo ang likidong lumalabas sa mga pine trees. Napag-alaman din na planong i-develop ng Gateluck Corporation ang nasabing lugar at magsasagawa ng konstruksiyon dahil nauna na raw kumuha ang contractor nito ng isang excavation at ground preparation permit subalit ibinalik ang aplikasyon dahil sa ilang kakulangan. Dahil sa mga napag-alaman ay inakala ni Mayor Magalong na may motibo ang mga opisyal ng Gateluck na “sadyang patayin ang mga puno” upang mabigyan-daan ang konstruksiyon at agad nagpila ito ng reklamo sa City Prosecutor’s Office.
Natural pinabulaanan ng mga opisyal ng Gateluck ang akusasyon at wala daw silang balak na i-develop ang lugar at wala silang binigyan ng awtoridad na “patayin” ang mga puno. Nitong Agosto 22, 2019 ay ibinaba na ang resolusyon ng kaso at dinismiss ito ng Prosecutor’s Office sa panulat ni Deputy City Prosecutor Conrado Villamor Catral Jr. dahil sa “lack of probable cause.” Sa ginawang desisyon ay kumbinsido ang Prosecutor na ang mga ebidensiyang ibinigay ng nagrereklamo ay hindi lubos na naitatag ang malamang na pagkakasalang kriminal ng kahit sinuman sa mga inirereklamo.
Sa desisyong ito ng City Prosecutor’s Office ay inasahan na ang mga negatibong reaksiyon ng mamamayan lalo na sa social media kung saan ibinulalas nila ang iba’t-ibang damdamin ng galit at panghihinayang. Hindi rin naitago ni Mayor Magalong ang kaniyang pagkadismaya sa desisyon.
Ang mundo ay puno ng kasamaan at pang-aabuso. Likas na sa ating mga tao ang kasamaan, ngunit sa kabila nito ang bawat isa ay may kabutihan. . Ngunit sa pagkakaroon ng batas, ito ay gumanda at kahit papaano’y naging mapayapa. Nagabayan tayo nito upang mahubog ang kabutihan sa atin. Ang batas bilang isang kautusan ng katuwiran ay
isinasagawa upang makamtan ang kabutihang panlahat. Ang batas ay koleksyon ng mga alituntunin na itinakda ng institusyon upang pangasiwaan ang kilos at gawi ng mga tao sa lipunan.
Ito ay ginawa upang sundin ng mga mamamayan. Ang batas ang gumagabay sa mga mamamayan sa kung ano ang tama at mali. Nagtatakda rin ito ng kaparusahan sa mga indibidwal na lalabag sa mga alituntunin.
Kailangan nating irespeto ang naging desisyon ng City Prosecutor’s Office dahil tumugon lamang sila ayon sa itinatakda ng batas batay sa kanilang interpretasyon sa mga ebidensiyang inilatag. Tama, tao rin sila na nakikiisa sa pagdadalamhati ng mga biktima, at sa usaping ito ay ang “umano’y sadyang pagpatay sa 45 pine trees”, at kaisa rin sila sa pagtaguyod sa Environment Code, higit sa lahat kaisa sila na maparusahan ang mga taong dapat na managot sa paglabag sa batas.
Tama rin sila na ang criminal at court actions ay mahalaga at laging isinaalang-alang ang produksiyon ng sapat, positibo at akmang ebidensiya na suporta sa angkop na mga legal na aksiyon, laban sa mga tama at tunay na responsableng salarin, upang kapuwa ang pagpupursige ng Mayor at ng Prosecution Office ay hindi mapunta sa wala.
Ang laban para mapangalagaan ang kaligiran at ang paghahanap ng hustisya sa pagpatay sa 45 Benguet pine trees ay hindi tumitigil at hindi natigil dahil sa pagka-dismiss ng kaso laban sa Gateluck at mga opisyal nito, dahil mahirap nga namang maparusahan at mabilanggo ang mga walang kasalanan. Baka nga tumatahol tayo sa maling puno, o baka tumatahol tayo sa tamang puno subalit kulang naman ang lakas ng ating mga kahol.

Amianan Balita Ngayon