Resulta ng PISA pagbubukas nga ba sa katotohanan ng estado ng edukasyon?

Kamakailan ay inilabas ng Organization for Economic Co-operation and Development (OECD) ang resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), kung saan isinasagawa ito sa loob ng bawat tatlong taon mula pa 2000. Ang PISA ay isa sa pinakatanyag na student assessment sa buong mundo at isa rin sa pinaka-maimpluwensiya sa larangan ng research at policy na pangunahing “sinusukat ang abilidad ng 15 taong gulang na gamitin ang kanilang kaalaman sa pagbabasa, mathematics at science at kakayahang harapin ang mga hamon
ng tunay-na-buhay.”
Ang resulta ay nakakadismaya dahil lumagpak ang mga Pilipinong estudyante na kulelat, pinakamababa sa reading comprehension at pangalawang pinakamababa sa science at mathematics kung saan sinulit ang nasa 600,000 na 15 taong gulang na mga estudyante ng 79 bansang kasapi sa OECD. Nakita sa resulta na may average reading score ang Pilipinas na 340, pinakamababa sa mga bansang na-survey at mas mababa rin sa OECD average na 487.
Unang pagkakataon pa lang ito na sumali ang mga Pilipinong estudyante sa global survey. Maaaring wala lang ito sa iba, ngunit ang resulta ay may malaking epekto at nakapanlulumo na makita ang tunay na estado ng edukasyon sa Pilipinas. Bakit kulelat tayo, sa kabila ng ilang panahon din nating ipinagmayabang na mataas ang ating literacy rating?
Tama ang sinabi ni Frederick Sotto Perez, presidente ng Reading Association of the Philippines na kaya kulelat ang Pinoy ay dahil nasanay sila sa narrative sa halip na informative text materials. Ayon kay Perez ang mga teksto sa pagsusulit ay karamihan informational at ang evaluation ng text at pang-unawa ay umiikot sa informational text at hindi sa narrative kung saan nasanay ang mga estudyanteng Pilipino.
Kailangan daw maturuan ang mga bata ng expository texts na nakatutok sa factual information sa edad 9 pa lamang. Ang abilidad sa pagbabasa ay nahahasa. Magkakaroon tayo ng mga bihasang magbabasa kung mabigyan sila ng teksto, print at digital, at sanayin sila sa pamamagitan ng teacher modeling, shared practice tungo sa independent practice.
Isa pang rason ay kakulangan ng “reading materials” sa mga liblib na lugar. Mahinang ugnayan dahil walang internet, walang encyclopedias at iba pang digital texts. Ang mga libro at printed text ay mahalaga. Ang kultura ng pagbabasa ay maisusulong sa pamamagitan ng extended literacy projects, book talks ng mga guro. Maging aktibo sa pagtataguyod ng kultura sa pagbabasa na aktuwal na ginagamit ang mga library. Kailangan din magabayan ang mga magulang at guro sa paghawak ng digital literacy na lahat ng nagtuturo ay dapat “reading teachers.”
Tama rin ang panawagan ni Senator Imee Marcos sa DepEd, DOH at DSWD na magtrabaho at umaksiyon agad at umarangkada na sa kani-kanilang programa sa edukasyon at nutrisyon.
Maaari pagtalunan na mas maganda sana ang resulta kung sa Filipino sa halip na English ginawa ang pagsusulit ngunit saan napunta ang programa ng gobyerno sa edukasyon at nutrisyon? Ang kakulangan ng statistical data sa student enrollment at completion rates ay isang rason kung bakit naghuhula ang ahensiya kung ano ang epektibong programa – walang tiyak na programa.
Ang brain development ay hindi lamang pagkakaroon ng maayos na edukasyon kundi kailangan din ng tamang nutrisyon sa maagang panahon ng buhay. Sa pagtukoy ni Senator Marcos sa ulat ng Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology ay ipinaliwanag na ‘mahigit 30 prosiyento ng utak ng isang batang Pilipino ay hindi lalago pa kung magpapatuloy ang malnutrisyon mula pagdadalangtao ng ina hanggang sumapit sa edad lima ang bata. Kaya upang matugunan ang insidente ng “brain-stunting’ sa mga batang Pilipino ay nagpila si Marcos ng Senate Resolution 18 upang siyasatin ang mga child-feeding programs ng DOH, DSWD at iba pang ahensiya. Kailangan din managot ang DOH sa PhP138 milyo halaga ng micronutrient powdered sachets na nakaimbak na nakita ng COA na expired na o malapit ng ma-expire.
Kung may kapabayaan nga, ayon kay Marcos isa sa mga solusyon ay ang pagbuhay muli sa Nutribun sa lalong madaling panahon, ngunit may karagdagang sangkap kumpara sa pinamigay sa mga batang mag-aaral noong dekada 70 na panahon pang Presidente ang kaniyang ama.
May panganib sa pag-aalala natin sa resulta ng PISA 2018 dahil maaaring pagdudahan at mapagkakatiwalaan ba ang ginawang panukat ng PISA sa literacy o intelligence sa kabuuan.
Ang ranking ay base sa country averages kaya naitatago ang mayamang distribusyon ng mga performance ng estudyante sa bawat bansa. Maaari ding magbunga ng pangit na “karera” sa mga bansa gayundin ang pangkalahatang pananaw sa sistema ng edukasyon ng mga bansa base lamang sa kanilang PISA rankings.
Mabuti man o masama ang resulta ay magkakaroon na tayo ‘baseline data’ upang makaagapay sa ibang bansa at masundan ang progreso natin sa pag-usad, mas mabuti kaysa nangangapa sa dilim.
Gayundin, dapat magamit ang bawat pisong pondo dahil nakukuha ng DepEd ang pinakamalaking budget na itinakda ng 1987 Constitution na sinisiguro ang kuwalidad ng edukasyon ay lagpas pa sa bagay na pera.

Amianan Balita Ngayon