Rider ng motorsiklo, sumalpok sa cement mixer sa Abra

Wala pa ring malay ang hindi pa nakikilalang rider ng motorsiklo na isinugod sa ospital kung saan siya dinala matapos sumalpok sa nakaparadang cement mixer, gabi ng June 10, 2018 sa kahabaan ng Abra-Ilocos Norte Road ng Barangay Buli, La Paz, Abra.
Minamaneho diumano ng biktima ang itim na Pinoy motorcycle na walang plaka papuntang Lagayan nang sumalpok siya sa cement mixer na nakaparada sa kanang bahagi ng kalsada.
Ang biktima na nagtamo ng multiple injuries ay nanatiling walang malay, ayon sa mga otoridad.
Nauna rito, bandang 10:30am ng parehong araw, aksidenteng nabangga ng isang medical doctor ang isang 6anyos na batang lalaki sa kahabaan ng Baguio-Bauang Road sa Poblacion, Sablan, Benguet.
Dinala ang biktimang si Emiel Jame Faustino Bacungan, 6, mula Barangay Tagudtud, Bagulin, La Union, ni Dr. George Querer Ringor, 37anyos, na siyang nagmamaneho ng Nissan Navarra pick-up truck na may conduction sticker number FOV351, matapos nitong mabundol ang biktima na biglang tumawid ng kalsada.
Nagtamo ang biktima ng fracture sa kanang paa at galos sa noo. A.ALEGRE

Amianan Balita Ngayon