Sa gitna ng matitinding pagsubok, panalangin gawin natin

Halos lahat ng mga relihiyon sa kasalukuyan ay naniniwala na may Araw ng Paghuhukom o katapusan ng mundo. Malimit ipinapakita sa mga pelikula at sa iba pang entertainment media ang iba’t-ibang istorya tungkol sa kung paano magwawakas o magugunaw ang mundo. Kahit mga siyentipiko ay may mga pananaw dito at marahil ang pinakatanyag na mga hula diumano ni Nostradamus na mangyayari daw na katapusan ng mundo sa buwan ng Disyembre 2012.

Marami ang natatakot at nangangamba, marami din ang nagkibit-balikat na lamang sa isyung ito. Subalit kung susuriin at intindihin ng husto ang mga talinhaga at kuwentong nakasaad sa Bibliya na libo-ibong taon na ang nakalipas ng isulat ang mga ito ay hindi ka ba tunay na mangingilabot at mangangamba? May katapusan ba talaga ang mundo? Totoo at may “Paghuhukom” ba?

Ayon sa aklat ng Zefanias 1:14-15, 18 ”Ang dakilang kaarawan ng Panginoon ay malapit na, malapit na at nagmamadaling mainam, sa makatuwid baga’y ang tinig ng kaarawan ng Panginoon; ang makapangyarihang tao ay sumisigaw roon ng kalagimlagim.

Ang araw na yaon ay kaarawan ng kapootan, kaarawan ng kabagabagan at kahapisan, kaarawan ng kawakasan at kasiraan, kaarawan ng kadiliman at kalumbayan, kaarawan ng mga alapaap at pagsasalimuot ng kadiliman,…Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang paninibugho: sapagka’t wawakasan niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan sa lupain.”

Ang Araw ng Paghuhukom ay ang dakilang araw ng kapootan ng Panginoon, na kung saan sa pamamagitan ng pagsupok o pagsunog ng apoy ay gugunawin ng Diyos ang buong sanglibutan . Ang kapangyarihan ng isang tao ay hindi makapagliligtas sa kaniya sa araw na iyon: ”ang makapangyarihang tao ay sumisigaw roon ng kalagimlagim”.

Maging ang kaniyang kayamanan: ”Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon”.

May mga palatandaan pa na sinabi sa Mateo 24:6-8 “At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka’t kinakailangang ito’y mangyari datapuwa’t hindi pa ang wakas. Sapagka’t magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba’t ibang dako. Datapuwa’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.”

Marami sa mga palatandaang ito ang natutupad. Ang kasamaan ay laganap sa lahat ng dako. Ang mga bansa ay palaging nagdidigmaan. Binanggit ng Panginoong Jesus, ang mga Digmaang kakasangkutan ng mga bansa, at naganap nga ang Unang Digmaang Pandaigdig (1914 – 1918), na sinundan naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1939 – 1945).

Ang mga lindol at iba pang mga kalamidad ay nangyayari na. Maraming tao ngayon ang naghihirap dahil sa mapaminsalang mga bagyo, tagtuyot, gutom at mga sakit. Makatitiyak tayo na ang mga kalamidad na ito ay lalo pang lalala. Kitang-kita na natin na natupad na ang mga ito. At dahil sa ang mga palatandaan ay natupad na, ano ang ibinabadya nito?

Ang kamakailang mga pangyayari sa iba’t-ibang lugar, ang napakalawak na sunog sa kagubatan ng Australia, ang mga pagbaha at paglindol , ang palitan ng “missile attacks” sa pagitan ng Iran at Estados Unidos at ang pagputok ng Bulkang Taal dito sa Pilipinas ay tila ibinadya na ng una pa sa Gawa 2 : 19 – 20 “19, At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas, At mga tanda sa lupa sa ibaba, Dugo, at apoy, at singaw ng usok: 20, Ang araw ay magiging kadiliman, At ang buwan ay dugo, Bago dumating ang araw ng Panginoon, Yaong araw na dakila at tangi”: Ibinibigay ng Panginoon ang mga palatandaang ito upang tulungan tayo.

Maisasaayos natin ang ating buhay at maihahanda ang ating sarili at ating mga pamilya para sa mga bagay na darating pa lang. Nasa atin na kung maniniwala tayo, subalit ang katotohanan ay hindi natin tiyak ang mga mangyayari pa sa hinaharap. Walang nakakaalam, wala kahit sino kung kalian darating, mangyayari ang mga sakuna, kalamidad pati na ang “Araw ng Paghuhukom”.

Maaaring nagkataon na ang mga pinakahuling dinanas ng mundo ay nangyari ngayong buwan ng Enero at ang buwan din ng Enero ay idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng Proclamation No. 124 noong Enero 5, 2017 na “Pambansang Buwan ng Bibliya” at ang huling linggo ng Enero bilang “Pambansang Linggo ng Bibliya.”

Mandato ng konstitusyon sa pambansang gobyerno na isulong ang ethical at spiritual values ng mga mamamayan at upang mapahusay ang kanilang moralidad.

Kasabay ng pagbabasa ng Bibliya ay ang tapat at marubdob nating mga panalangin, lalo na sa mga panahong ito na nasa gitna tayo ng matitinding mga pagsubok.

Amianan Balita Ngayon