Sa ikatlong SONA, masosorpresa at maiintriga ba tayo?

Editorial

May limang naging presidente na ang Pilipinas mula nang mapatalsik si Pangulong Ferdinand E. Marcos noong 1986, isang pagkakataon na itinuring ng marami na nagtatak ng simula ng modernong demokrasya ng Pilipinas. Bago pa si Marcos ay mayroon ng mahabang tradisyon ng panguluhang pulitika (Presidential Politics) sa pagbabalik-tanaw ng pagsisimula ng nasiyonalismo ng Pilipinas sa panahon ni Andres Bonifacio noong 1896.

Sa maraming taon ay nagkaroon ng maraming diskusyon sa pulitika ng Pilipinas ukol sa kailangan na – o huwag palitan ang konstitusiyon. Ang debate ukol dito ay halos naging muhon ng pulitika ng bansa dahil sa naging bukang-bibig na “Cha-Cha” o charter change. Isang debate na layong palitan ang kasalukuyang “presidential system” sa mas higit na “Parliamentary-style” na alternatibo sa ilalim ng ilang nakalipas na administrasyon na nagpatuloy sumayaw sa tugtog ng Cha-Cha subalit walang narating na resolusyon.

Sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa Hulyo 23 ay maaaring talakayin niya ang final draft ng consultative committee na umukit sa pagbabago ng saligang batas at bigyan niya ng diin ang panawagan na tanggapin ang isinusulong niyang uri ng gobyerno – ang Federalismo. Sa isang survey ng Pulse Asia noong Hunyo 15-21 ay hindi gaanong nakakakumbinsi ang resulta dahil dalawa sa sampung Pilipino lamang ang sumusuportang baguhin ang 1987 Constitution, 62 % ang hindi pabor sa Federalismo at 69 % ang may konting kaalaman sa kabila ng pag-iikot sa buong bansa ng mga kinatawan upang isulong at ipaunawa ang tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng isang Federalismong uri ng gobyerno.

May binitiwang salita na naman ang Pangulong Duterte na kapag naratipikahan ang Federalismo ng mas maaga ay handa raw siyang magbitiw sa puwesto ng mas maaga para pabulaanan ang haka-hakang gagamitin niya ang Federalismo upang magtagal siya sa puwesto. May naalala ba kayong pahayag niya sa kasagsagan ng debate ng pang-panguluhan noon na siya’y (Duterte) sasakay sa jet ski na mag-isa papunta sa west Philippine sea at itatarak ang watawat ng Pilipinas para ipakita sa bansang Tsina na pag-aari natin ang nasabing mayamang lupain. Mukhang walang nangyaring ganoon.

Ayon sa tagapagsalita ng Malakanyang ay hindi gaanong tatalakayin ni Pangulong Duterte ang mga naging “achievements” ng kaniyang administrasyon bagkus ay magiging personal at mula sa puso ang magiging talumpati dahil nais daw ng pangulo na maging mas malapit sa mga puso ng bawat Pilipino . Masosorpresa at maiintriga daw ang taong-bayan sa magiging takbo ng talumpati ng pangulo. Ibabahagi na lamang daw ang mga ulat ng administrasyon sa mga “press briefing” upang magkaroon ng sapat na oras magpahayag ng personal na damdamin ang Pangulo.

Mas mabuting manggaling sana sa mismong bibig ng Pangulo ang mga nagawa at hindi nagawa ng kaniyang administrasyon sa nakalipas na dalawang taon dahil sa ganitong paraan ay mas lalong maiintindihan siya ng taongbayan at makilatis ang kaniyang “performance”.

Sa Hulyo 23 ay maaaring masorpresa tayo sa taunang SONA at maaari tayong maintriga sa magiging pahayag ng Pangulo dahil maaaring gamitin na naman niya ang pagkakataon upang balikan at tuligsain ang kaniyang mga kritiko at kalaban sa pulitika na dati niyang ginawa?

Sa anumang antas ay nakabuwelo na at maganda naman ang takbo ng administrasyon subalit kung patuloy ang maaanghang at walang-pakundangang mga pananalita ng Pangulo ay baka maumay na ang taongbayan at magsawa na.

PMCJr.