Sa minimum wage, paano balansehin ang kita sa sahod?

Editorial

Ang sahod o suweldo ay isang monetaryong kabayaran na ibinabayad ng isang employer sa kaniyang trabahador kapalit ng mga serbisyo nito. Ang prinsipyo ng pagbabayad ng sahod ay sunod sa kaisipan na anumang bagay gaya ng bigas, damit at iba pa, o lupa at paggawa ay may kaukulang presyo o halaga. Gaya ng mga paninda sa merkado, ang halaga at mga istruktura ng sahod ay naiimpluwensiyahan ng batas ng suplay (manggagawa) at pangangailangan (mga kumpanya) – mga karaniwang puwersa na umiiral sa merkado ng paggawa. Ang pagtaas ng sahod ay maaaring tumaas din ang kakayahang gumastos ng isang trabahador na kalauna’y mag-uudyok sa mga kumpanya na kumuha pa ng mas maraming trabahador para maka-agapay sa pangangailangan ng mga goods/serbisyo. Ang pagkuha ng mga kumpanya ng mas maraming trabahador ay nagdulot sa pagbaba ng bilang ng walang trabaho.

Sa kabila nito ay nagtatakda ng “minimum wage rates” ang Regional Wage Boards alinsunod sa Republic Act (RA) 6727 o ang Wage Rationalization Act ng 1989. Nagbibigay umano ito sa mga trabahador ng “safety net” na proteksiyon laban sa hindi makatuwirang mababang sahod.

Sa bawat pagkakataon ay isinasa-ayos ang minimum wages upang itaas ang sahod, para mapanatili ng mga trabahador ang “minimum standards” ng pamumuhay na mahalaga para sa kanilang kalusugan, kakayahan at kabuuang kalagayan. Ang pagtaas ng sahod ay para sa lahat ng manggagawa anuman ang kanilang posisyon, designasyon o estado, o hindi tinitingnan ang pamamaraan kung paano binabayaran ang kanilang sahod.

Sa gitna ng kasalukuyang pagdaing ng mga manggagawa dahil sa hindi na sapat ang umiiral na minimum wage sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at gastusin ay kailangan ng mga panibagong polisiya na tutugon sa kung paano maka-agapay ang employment, unemployment at underemployment sa merkado ng manggagawa kung kuwantidad ang paguusapan kapag may pag-iba sa mga sahod. Kailangang isipin na ang sahod ay itinuturing na gastos ng mga employer at pondo naman ng mga trabahador upang makatawid sa pamumuhay. Anumang pag-iba sa minimum wage ay tiyak na makakaapekto sa desisyon ng employer sa pagkuha at pagsibak ng trabahador na tiyak ding makakaapekto sa sektor ng paggawa.

Isinusulong sa kamara ngayon ang isang panukalang batas na magtatakdang isang pambansang minimum wage at bigyan kapangyarihan ang Kalihim ng Paggawa na mag-adjust ng wage rates at magbigay ng inisyal na uniform P600 sahod sa agriculture at non-agriculture workers sa buong bansa sa ilalim ng “principle of equal pay for work of equal value”. Layon din ng House Bill No. 7527 na tanggalin sa regional tripartite wages and productivity boards ang karapatan na ayusin ang iba’t-ibang regional minimum wage rates.

Kadalasang napakatagal bago magkaroon ng panibagong adjustment sa minimum wage kontra sa madalas at napakadaling pagtaas ng mga presyo ng bilihin at iba pang gastusin, sa ganitong mga sitwasyon ay napakahirap para sa mga manggagawa na balansehin ang kita sa gastos. At sa ganito ring sitwasyon, dapat pa ba na ang regional wage board ang magdikta ng dapat na sahod?                                                                                                    PMCJr.