Sa pagbangon ng bansa ay kailangan ang pagtutulungan ng gobyerno, mga LGU at pribadong sektor

Editorial

Mag-iisang taon na buhat ng saklubin ng nakamamatay na sakit na COVID-19 ang buong mundo at ang pandemyang dulot nito ay tuwirang nagpahina sa sistema ng kalusugan ng bawat bansa at nagpadapa sa ekonomiya ng halos lahat lalo na ang mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas. Walang sinanto ang sakit na ang tanging pag-asa ng bawat bansa upang mapuksa at matigil ang impeksiyon at hawaan ay isang “bakuna”.

Nag-unahan ang malalaking kompanya ng gamot na nakabase sa mayayamang bansa upang makalikha ng angkop at mabisang bakuna sa lalong madaling panahon, sa loob ng maikling panahon dahil lubhang mabilis ang pagkalat ng sakit na patuloy ang pagdami ng nahahawaan at nagkakasakit at nangamamatay. Kadalasang maraming taon ang ginugugol ng mga siyentipikong doktor upang makagawa ng isang bakuna dahil sa sobrang maselan ang paggagamitan nito, maliban sa napakalaking halaga ang nasa likod nito ay buhay ng milyonmilyong tao ang nakataya.

Dahil dito ay mabilisan ang paglikha at walang puknat na pagtratrabaho ang ginawa ng mga pharmaceutical companies na ito makagawa lamang ng bakuna sa pinakamaikling panahon – at ngayon nga, sa loob ng kulang-kulang na isang taon ay may mga nalikha na ang ilang malalaking kompanya.

Pinupuna ng ilan lalo na ng mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umano’y kabagalan sa pagsugpo sa COVID-19 sa bansa at ang di malinaw na programa ng gobyerno sa pagbabakuna gayundin ang kabagalan ng pagbili ng bakuna. Pinuna rin at binabatikos ang tila pagpabor ng Malakanyang sa bakuna ng China na gayong mas mahal na nga kaysa ibang bakuna ay mababa pa raw ang antas ng bisa nito.

Ipinaliwanag ni Pangulong Duterte na kaya mabagal ang pagbili ng bakuna ay dahil may kalakip na ekonomiya o pagnenegosyo dahil malaking halaga ang kailangan at ang produksiyon ay hindi naman agad-agad na mababahaginan ang lahat ng bansa dahil limitado rin ang produksiyon nito sa bawat panahon. Isa pa ay mas nauunang pinagbibigyan ang mayayamang bansa na nakapagpareserba na agad dahil may pambili hindi gaya ng Pilipinas na makikipanegosasyon pa at uutang upang may pambili. Sa pagpirma naman ng kasunduan sa Sinovac na bakuna ng China ay sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez na maaari namang hindi bilhin ito kung irerekomenda na mga eksperto.

Plano ng gobyerno na mabakunahan ang 60 hanggang 70 milyong mga Pilipino kung saan kinakailangan ang 140 milyon na dosage ng bakuna – talagang malaking halaga ang kailangan. Iba-iba ang mga presyo ng iba’t-ibang bakuna na kinonsidera ng gobyerno, ang CoronaVac ng China ay nasa $60 (PhP3,000); sa Pfizer ay $39 (PhP1,950) at ang AstraZeneca ay nasa $10 (PhP500) kung pribadong sektor ang bibili at base cost na $5 kung gobyerno ang bibili.

Isipin na lang natin kung ilang bilyong piso ang halaga ng bakunang bibilhin ng gobyerno – nasa higit 100 bilyong piso sa average cost. Sa ngayon ay ipinahayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez na
may 148 milyon dosage na ng mga bakuna ang ipinangako na sa ilalim ng kasunduan ng iba’tibang kompanya ng gamot at may paunang papasok na sa bansa ngayong Pebrero. Mahigit 40 mga bansa na ang nag-umpisang magbakuna kontra COVID-19 na mula sa Pfizer at BioNTech, Moderna, AstraZeneca gayundin ang mga bakunang ginawa sa Russia at China.

Nito lamang ay nag-umpisa na rin magbakuna ang Imdonesia gamit ang Sinovac na mula China. Ang mga bansang ito ay mayayaman at may kakayahan. Sa kabila ng may pag-asa nang makakuha ang Pilipinas ng bakuna ay halos kalahating porsiyento ng mga Pilipino ang may agam-agam at takot na magpabakuna maging ang mayayamang bansa na nauna ng nagbakuna ay malaking porsiyento rin ng kanilang mamamayan ang atubiling magpabakuna, gaya ng Estados Unidos, Brazil, Mexico, UK, Australia, South Korea, Canada, Germany, Italy, Spain, Japan, South Africa, Russia, China at France.

Kung ang bakuna ang tanging gamot upang makabangon na muli ang bansa ay dapat bigyan na rin ng kalayaan ang mga LGU at pribadong sektor na makatulong upang umusad na muli ang Pilipinas at manumbalik ang sigla ng ekonomiya at mailigtas ang bawat isang mamamayan.

Hindi ito panahon ng pagkaniya-kaniya, ng pagalingan, ng paninira, ng pagsulong sa pansariling interes lalo na ang pamumulitika kahit pa napipinto na ang pambansang halalan. Hindi na rin dapat pagtalunan ang halaga dahil ito ay pangalawa lamang dahil ang mas higit na mahalaga ay makakuha ng bakunang “pinakaligtas at pinaka-epektibo at nakahanda na” na kailangang maibigay sa bawat Pilipino, anuman ang mangyari. At kung may dapat managot sa pagkukulang sa pamamahala ng pandemyang ito ay dapat panagutin pagkatapos masigurado na humupa na ang lahat.