SA PAGKAKAISA… MAY PAGBANGON!

Sa anumang aspeto sa buhay…may tama ang kasabihang ating kinagisnan mula sa ating mga ninuno: “Sa pagkakaisa…may pagbangon”. Yan din ang mga katagang bumuo sa samahan ng ating mga ninuno na nakipaglaban sa mga mananakop noong panahon ng Kastila, Hapon at Amerikano. Talagang may tama ito dahil kung watak-watak ang mamamayan, walang pag-usad. At kung tumama ang kalamidad, mahihirapang makabangon dahil sa sungkisungking adhikain. Ito ang
ating kakalikutin mga pards….sundan.

Sa naganap na sunog sa palengke ng Baguio City kamakailan….sa gitna at likud ng hagupit neto…ating nasaksihan ang tunay na katuturan ng “pagkakaisa at tulungan”. Mula sa pamahalaan hanggang sa mga pribadong sector, saksi tayo sa taus- pusong pagmamalasakitan. Kaya nga’t sa kung ilang araw lang na nakalipas…may masisilungan na muli ang mga biktima ng sunog sa Block 3 at Block 4 ng palengke. Kahit pansamantala lamang ang mga itinayong puwesto, malaking alalay na ito sa mga nasunugan.  Muli silang makapagsimula.

Sa ating mga panayam sa mga biktima, dama natin ang tibay ng kanilang paninindigan na kaya nilang bumangon at makibaka sa pagsubok ng kanilang buhay. May kasabihan nga na mas maigi pa
ang manakawan dahil may maiiwan pang puhunan kaysa ang masunugan tahil tupok lahat ng pinagsimulan. Kudos sa lahat na umaalalay sa mga biktima hindi lang sa pagpapatayo ng mumunting puwesto ng kanilang paninda kundi sa mga taong tumutulong sa pinansiyal nilang
pangangailangan. May mga nasagap pa tayong ulat na yong mga nagpapautang (5-6) ay di daw muna sila maniningil hangga’t di nakakabangon ang mga biktima. Kudos.

Alaala pa natin ang kinagisnang pagkakaisa ng ating mga ninuno sa tema ng “Bayanihan”. Sa bukid man o sa kanayunan…napapatunayan natin ang ispiritu ng pagkakaisa at pagtutulungan. Sama-sama sila upang tapusin ang isang pagawa na walang katumbas na kabayaran. Masaya sila na
animo walang kapaguran matapos lang ang pagawa. Yan ang diwa ng pagmamalasakitan lalo na sa mga liblib na lugal. Bagay na mahirap ng masaksihan sa panahong ito lalo na sa mga mauunlad na lugal. Ang dating diwa ng bayanihan ay nagiging mistulang “kanyakanya” na. Bihira na ang makita
nating nag-aayuda nang walang kapalit na intensiyon.

Hindi malayo na ito’y nangyari din sa ating lungsod kung saan maaring may mga kuno ay nagbibigay ng ayuda sa mga nasunugan pero may kasabay namang maka-gahamang plano sa hinaharap. Bawa’t abot ng ayuda, may papicture pa at ipupublika pa para daw maipakitang sila’y makatao at may malasakit. Malapit na ang SemanaSanta. Tiyak eeksena na naman ang mga taong kunwa’y sobrang maka-Diyos kahit na bukilya namang sila’y makademonyo sa lipunan. Ito ang
kaugaliang sinasabi nilang narerecycle, hindi nabubulok. Paulit-ulit na ginagamit ang ganitong plataporma ng mga mahilig pumorma at umeksena.

Sila ang mga taong-papansin, ika nga. Kahit pa lantarang sila’y itinuturing na mga “paepal”…hindi na nila ito dama. Makapal na talaga ang sikmura. Kung bakit, iisa lang ang sagot, pards: may kanya-kanya tayong pagkakaiba. May masasaya at ibinabando pa ang yabang samantalang marami ring tumutulong na ayaw nilang ipabatid sa madla. Sila ang mga tahimik na tunay na sugo ng ating Panginoon. Sana sila ang dapat dumami at panularan. Sila ang mga taong hindi ipinagdaramot ang kanilang malasakit gaano man ito kaliit. At inuulit ng espasyong ito ang ating pagsaludo sa lahat ng mga taong nagbigay-ayuda sa mga pobreng nasunugan sa Baguio kamakailan. Hindi natutulog ang
Diyos at pagpalain nawa kayo. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon