Sa panahon ng mga pagsubok – huwag tayong maging pabigat

Tila pinapasan na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pinakamabigat at pinakamatinding pagsubok sa kaniyang pamumuno at buhay – ang pagsupil sa isang napakabagsik at di-nakikitang kaaway, ang pandemiya ng COVID-19 at idagdag pa ang patong-patong na problemang kinakaharap ngayon ng bansa bunsod ng sakit na ito na laganap sa buong mundo gayundin ang kabi kabilang batikos, protesta at pagkilos na kumokontra sa kaniyang pamumuno at mga polisiya.

Walang pinipiling salakayin ang kalaban na ito na maging ang mga makapangyarihan at malalakas na bansa na pinamumunuan ng matatalino at matatapang na lider ay hindi nakaligtas sa pandemiya at tunay ngang sumubok sa katatagan at kagalingan ng isang lider. Tunay na kailangan ang mahusay, mabilis at makabuluhang pagtugon at aksiyon sa mga problema ngunit sa pagkakataong ito na walang sinumang pinakamalakas, pinakamatapang o pinakamakapangyarihan ni pinakamatalinong lider ang makakayang sagupain at sugpuin ang nakamamatay na kalaban ng nag-iisa lamang.

Upang manalo sa laban ay kailangan ang pagkakaisa, “teamwork” ika nga, subalit paano ito mangyayari kung may ilan na saliwa ang sagwan sa bangka? Na may mga opisyal ng gobyerno na iba ang hangarin at nangingibabaw pa rin ang korapsiyon sa isip? Na may mga opisyal na may sariling agenda sa pagganap ng tungkulin? Na may mga halal ng tao na imbes tumulong ay nakuha pang umeksena at makapagyabang mapansin lamang? Na may mga kaibayo sa partido politikal na puro batikos ang iniaambag sa halip na magbigay suhestiyon at konstruktibong kritisismo bagkus ay
mga mapanirang akusasyon at pagpuna ang namumutawi sa mga bibig?

Higit sa lahat ay may mga mamamayang walang pakundangan kung lumabag sa mga alituntunin at panuntunan na pinapairal ng gobyerno masiguro lamang ang kaligtasan ng lahat at matugunan ang mga problemang nararanasan? Hindi biro ang pagsubok na kinakaharap natin ngayon at hindi rin biro ang napakabigat na responsibilidad at tungkulin ng Pangulo na naiatang sa kaniyang balikat upang maiahon ang higit 100 milyong Pilipino na ginagawa ang lahat ng paraan upang maitawid ang sambayanan mula sa paghihirap dulot ng COVID-19 na pandemya.

Hindi natin masisisi ang ilan nating kababayan na ibulalas ang hinaing, galit o pagkadismaya sa ilang kamalian at pagkukulang ng gobyerno, kailangan yan upang maibsan ang mga nagpupuyos na mga damdamin at upang kahit paano ay maiparating sa mga kinauukulan ang tunay na kalagayan subalit huwag namang humantong pa na maging dagdag pabigat tayo sa lubhang napakabigat nang kalbaryong ito.

Napakahirap ding isipin na kahit sa malawakang paghihirap ng mga tao ay nakukuha pa ng mga kilalang kritiko at kumokontrang indibiduwal at grupo sa Pangulo na gamitin ang sitwasyon maisulong lamang ang interes at agenda nila – hindi ito masama at kailangan din sa ilalim ng demokratiko at malayang pamamahayag, ngunit huwag naman sana sa pagkakataong ito na higit kailangan ang lubos na pagkakaisa, pakikiisa at kooperasyon ng lahat ng Pilipino.

Sabagay minsan ay totoo nga na “hindi ka naman pupunahin ng isang tao na gumagawa ng mas higit sa iyo, pupunahin ka ng isang tao na gumagawa ng mas kulang sa iyo.” Hindi ito bilang pagdepensa sa Pangulo kundi panawagan sa lahat na kailanman ay hindi makakaya ng iisang tao na sugpuin ang hindi nakikitang kalaban na kailangan ang iisang layunin, ang nagkakaisang puwersa laban sa CoVID-19, na kailangang isantabi muna ang mga pansariling interes para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Tulungan natin ang Pangulo at gobyerno na maitawid ang ating “kariton” at makaalpas sa kalbaryong ito, at dahil sa pagkakaisa at kooperasyon ay makakaya natin ito at huwag maging dagdag na pabigat.

Amianan Balita Ngayon