Sa panahon ng walang katiyakan, bakit di pagbigyan ang iniaalay na lunas?

Editorial

Kasalukuyan ay nakikibaka ang buong mundo sa isang pandaigdigang pandemya ng SARS-CoV-2, ang bagong coronavirus na sanhi ng COVID-19. Hanggang sa isinusulat ito (Abril 17, 2020), ayon sa worldmeter.info ay mayroon nang 2,182,823 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong mundo na may 145,551 kabuuang kamatayan at 547,589 ang nakarekober.

Sa Amerika kung saan may pinakamaraming kaso na nasa 678,144 at namatay na nasa 34,641 ayon sa isang dalubhasa ay tinatayang aabot sa pagitan ng 70 milyon at 150 milyon tao sa
Estados Unidos ang mahahawaan ng virus habang tumatagal.

Sa Pilipinas ay nasa 5,660 na ang kumpirmadong kaso at 362 ang namatay kung saan ika 37 tayo sa 210 bansa sa buong mundo na may pinakamaraming kaso. Sa loob lamang ng mahigit dalawang buwan mula ng ipahayag ng Department of Health ang unang kumpirmadong kaso noong Enero 30 ay lumobo na ito sa 5,660 hanggang sa oras na ito.

Sa pakikipaghabulan upang makagawa ng isang lunas para sa napakabilis na pagkalat ng sakit na COVID-19 ay ilang dosena ng mga droga ang kasalukuyang sinusuri sa buong mundo.

Isang agarang misyon ito dahil sa pinakahuling datos ay nagpapakita na nasa 20 porsiyento ng taong nahawaan ay may mga malubhang karamdaman, at nasa 1 porsiyento ang maaaring mamatay.

Ayon sa mga eksperto, ang COVID-19 ay sampung beses na nakamamatay kaysa pana-panahong trangkaso (seasonal flu).

Ang napakaliit na mga virus na ito ay isa sa mga napakalaking banta na kinaharap ng sangkatauhan.

Sila ang nasa likuran ng ilan sa pinakamapinsalang pandemya sa kasaysayan. Kahit pa sa modernong medisina ay isa pa lamang ang napupuksang virus, ang bulutong (smallpox) na kinailangan ang deka-dekadang pagsagawa ng maramihang pagbabakuna sa buong mundo.

Sa ngayon ay ginagamit ng mga doktor ang general treatment measures upang kontrolin ang mga sintomas ng COVID-19 subalit wala pang tiyak na bakuna o lunas. Kamakailan ay inilunsad ng World Health Organization (WHO) ang Solidarity
Trial, isang large-scale clinical trial na linahukan ng maraming bansa kasama ang Pilipinas na layon nitong tukuyin ang paraan ng pang-gagamot sa COVID-19 base sa mga ebidensiya.

Ang karera ay umarangkada na para makahanap ng gamot laban sa COVID-19, sa isang bakuna na isang taon pa marahil ang hihintayin, ang epektibong gamutan ang maaaring
pinakamagandang pag-asa ng bansa para makabangon bago ang susunod na taon.

Ngunit gaano na ba kalapit ang mga dalubhasa sa pagkakaroon ng isang gamot na uubra?

Ang epidemya ng COVID-19 ay walang dudang isang napakalaki at kakaibang pandaigdigang hamon at ang giyera ay wala pang katiyakan kung kalian matatapos.

Kumakalat sa social media ang umano’y pagkakadiskubre ng mga gamot na maaaring kasagutan sa COVID-19 gaya ng PRODEX-B at Fabunan Anti-viral Injection (FAI) na kapuwa
gawa ng mga Pilipinong imbentor.

Kapuwa inari ng mga tagasulong nito na mabisa, epektibo at subok na ang kani-kanilang gamot. Sa katunayan ay naglunsad pa ang isa ng isang signatory campaign upang hikayatin ang gobyerno at DOH/FDA na payagang gamitin ito para sa gamutan.

Dumarami din ang suporta at panawagan na bigyan pansin ito ng gobyerno – na baka ito na nga ang kasagutan, na gawang Pinoy. Subalit sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na ito nakalilinlang at tinawag na walang basehan at nagbabala laban sa paggamit ng hindi rehistradong mga gamot sa ahensiya. Sinabi ng FDA na ang mga hindi rehistradong gamot ay walang garantisadong kalidad, kaligtasan at datos ng bisa na magdudulot ng pinsala sa pasyente.

Hangga’t ang kagayang produkto ay napatunayang ligtas at epektibo na gamot laban sa COVID19 ay hindi maaaring ipamahagi ito sa publiko o gumawa ng pag-angkin na nakakagamot, ayon sa FDA.

Sa nakalipas na 100 taon ay nasadlak ang mundo sa ilang malalaking pandemya, ang isang pinakagrabe ay ang 1918 influenza pandemic o ang tinawag na Spanish flu kung saan nahawaan ang 500 milyon tao sa mundo na noo’y ikatlong bahagi ng populasyon ng buong mundo at mahigit 50 milyon ang namatay.

Walang bakuna noon sa Spanish flu at wala ring bakuna sa COVID-19 sa kasalukuyan. Isang dahilan kaya sobrang bagsik ng Spanish flu ay walang antibiotics na gagamot sa secondary bacterial infections kaya ang pagkontrol ng buong mundo ay limitado sa isolation, quarantine, disinfectants at paglimita sa pagtitipong publiko na ginagawa rin ngayon.

Ang kauna-unahang bakuna sa trangkaso na nabigyan ng lisensiya sa Estados Unidos ay lumabas noong 1940s.

Nagtapos ang 1918 pandemic noong tag-init ng 1919 karamihan dahil sa pagkamatay at mas mataas na lebelo ng imyunidad.

Ang mga pandemya mula 1918 Spanish flu hanggang H1N1 pandemic noong 2009 ay tunay na nagtapos, ngunit minsan sa tila di-matanggap na bilang ng kamatayan, subalit nagtatapos din sila.

Hihintayin ba nating mangyari ito kung mayroon namang posibleng agaran at nakahandang lunas na nasa tabi-tabi lamang at nasa ilalim lang ng mga ilong ng mga opisyal?

Kailangan siguro na isantabi muna ang masyadong burukrasya, magkaroon ng ibayong tapang at pag-ako ng pananagutan mapagbigyan lamang ang isang mirakulong gamot.