Sampalin mo!?

Sampalin mo! Bakit mistulang lamok na dengue ang katagang “sampalin” at umugong sa lahat halos ng kaliit-liitang sulok ng ating bansa. Ano ba ire? Pards, yan ang bilin ng pangulong Duterte kontra sa taumbayan kontra sa mga makakati ang palad na mga trabahador ng gobyerno!

Sampalin o gumawa kayo ng eskandalo sa kanyang opisina, ika ng pangulo nang mahagip ng kanyang dila ang isang yugto ng kanyang halos dalawang oras na SONA kamakailan.

Ang isyung ito ang ating bubulatlatin mga pards, pero bago sa lahat, bato-bato sa langit muna, hane. Nanggagalaiti sa galit ang ating Pangulong Digong nang kanyang ibulalas ang kimkim na inis at galit sa mga empleado, opisyal o ahensiya ng pamahalaan na hanggang sa ngayon ay nagsasamantala sa mga taong dapat pagsilbihan.

In short, mga taong hubog ang mga kamay at gawain sa isyu ng “tong” o “lagay” upang umusad ang hinihinging serbisyo ng mga taxpayer.

Matagal na ang ganitong kalakaran. Sabagay, hindi sa nilalahat. Marami ang matitino at malinis ang serbisyo na mga taong-gobyerno, pero marami rin ang suwapang sa pera kapalit ng serbisyo.

Kaya namang ibigay ang serbisyo agad pero kung ano-ano pang ketinggo-kital ang pinagdadada na ang katumbas ay “lagay” o “under the table arrangement” na lang. Simbilis naman ng kidlat ang serbisyo kapag busog na ang kanilang bulsa.

Yan ang nasilip ni Pres. Duterte sa kanyang SONA kaya parang kulog ding sinabi, “Kapag hiningan ka ng mas malaki sa dapat mong bayaran, mageskandalo ka. Sampalin mo at kapag makarating yang asuntong yan sa akin, tutulungan ko kayo.”

Ganyan ang buod ng kanyang mahabahabang mensahe kontra kakurakutan. Idinagdag pa ng pangulo sa kanyang SONA na ang dapat na pagkuha ng clearance o permit lalo na sa negosyo ay hindi dapat lalagpas ng tatlong araw.

Agad na nagkaroon naman ng mga reaksiyon lalo na sa mga napahapyawang mga lokal na ehekutibo. Ika nila, ginagawa na daw nila ito. Hehe, di kaya naghuhugas sila ng kamay? Lalong umugong ang palakpakan at bulungan ng madlang nanuod sa SONA nang banggitin ng pangulo ang limang ahensiya ng pamahalaan na hindi maganda ang serbisyo at talamak diumano ang kakurakutan.

Pinangalandakan pa ng pangulo ang kanyang ginawang pagsibak sa maraming taga-Kustom dahil sa graft practices. Na ang ibig sabihin, talagang galit siya sa mga corrupt na empleado ng gobyerno. Sana nga ay mapaigi na ang serbisyo ng mga nabanatang mga ahensiya na di man natin uupakan ay alam na ninyo kung alin ang mga yan.

Agaammotayon.

Bagama’t, may katotohanan na sa lahat yata ng sulok ng ating lipunan, hindi nawawala ang “lagayan” o “kotongan”. Heto naman ang panig ng ilang analysts: kung minsan kasi, para mapabilis daw ang hiling na serbisyo, naglalagay na agad ang kliyente.

Hindi ba’t ang dahilan din ng pagiging corrupt ng empleado ng gobyerno ay mga taxpayers sa ganitong paraan? Sabi nga nila, kung walang maglalagay, walang tumatanggap. Paano mo sasampalin ang isang empleado na ikaw naman ang kusang naglagay para mas mapabilis ang hinihingi mong serbisyo?

Dagdag pa nila: sa mga nahuhuli sa traffic violation, mas gusto pang maglagay upang hindi na sila mamolestiya pa. Hindi ba’t ang violator din ang dahilan ng korapsiyon sa puntong ito? Hehe sabagay, may kanya-kanya tayong pananaw.

Kung alin ang korap at mas korap. Pero wala na tayong magagawa pa. Andiyan na ang utos ng pangulo: “sampalin mo”! In short, gusto lang ipabatid ng pangulo na hindi siya titigil kontra korapsiyon.

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon