San Fernando City iniulat ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19

LUNGSOD NG SAN FERNANDO – Nakapagtala ang pamahalaang lungsod ng San Fernando ng pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa nakaraang dalawang linggo at plinaplanong ilipat sa general
community quarantine (GCQ).
Sa isang media briefing na isinagawa noong umaga ng Lunes, Hulyo 5, iniulat ni Mayor Hermenegildo Gualberto na ang lungsod ay mayroon nang 326 aktibong kaso.
“Sa mga nakaraang dalawang linggo nakitaan po natin ng biglaang pagtaas ng COVID-19 cases ang siyudad ng San Fernando. Tunay itong nakaka-alarma lalo na’t kahapon ay nakapagtala tayo ng 52 panibagong kaso. As of date, mayroon tayong 356 aktibong kaso rito sa siyudad,” ani Gualberto.
Ipinagbigay-alam niya na inuri ng City COVID-19 Task Force ang 17 barangay bilang high-risk areas dahil mayroon silang mahigit sa pitong aktibong kaso.
“Nakapag-identify tayo ng 17 high-risk barangays na magkakaroon ng quarantine control points at kung saan ipapatupad ang istriktong pagsunod sa minimum health protocols alinsunod na rin sa ating PITO-PITO Strategy kung saan tinatarget nating bumaba sa zero ang bilang ng mga aktibong kaso sa mga barangay,” aniya.
Kabilang sa listahan ang mga barangay Sevilla, Catbangen, Tanqui, Lingsat, Dallangayan Oeste, Carlatan, Parian, Poro, Dallangayan Este, Sagayad, Barangay 1, Biday, Dalumpinas Oeste, San Francisco, Pias, Cadaclan, at Pagdaraoan.
Ang mga lugar na ito ay inirekomenda rin na magpatupad ng granular lockdowns at para sa mga residente na sumailalim sa targeted testing.
Paglipat sa GCQ
Sinabi ni Gialberto na inrekomenda ng City Health Office na iakyat ang lungsod sa General Community Quarantine status na may mga restriksiyon mula sa kasalukuyang Modified GCQ status upang mapigilan ang local transmission.
“Pinaghahandaan nating isailalim ang lungsod ng San Fernando sa General Community Quarantine with restrictions, mula sa kasalukuyang quarantine classification natin na MGCQ upang malimitahan ang movement ng mga tao na na ‘identify’ na isang malaking factor sa pagbilis ng local transmission,” ani ng punong ehekutibo ng lungsod.
Idinagdag niya na ang rekomendasyong ito ay isusumite para maaprubahan ng City Inter-Agency Task Force (IATF) at ng Office of the Provincial Governor at para sa concurrence ng Regional IATF.
APAT Dapat
Hiningi ni Gualberto ang lubos na kooperasyon ng publiko, lalo na ng mga residente sa pagsunod sa minimum public health protocols na tinawag niyang APAT Dapat. Ang kahulugan ng APAT Dapat ay: A – Air Circulation, P – Physical Distancing, A – Always wear mask and shield properly, T – Thirty minutes or less interaction time.
“Let us never put our guard down. Ang ating pagsunod sa mga protocols ay hindi lamang para sa kaligtasan ng ating mga sarili kundi pati na rin para sa ating mga mahal sa buhay at sa mga tao sa ating paligid,” ani Mayor Gualberto.
(JPD- PIA LU/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon